SINA Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte at Sen. Miriam Defensor Santiago ay parehong may sakit. Sila ay kapwa kandidato sa pagkapangulo. Mismong si Mayor Digong na nangunguna ngayon sa mga survey ang nagsabing baka hindi siya abutin ng anim na taon. Sakaling siya raw ay mahalal na presidente at mamatay sa puwesto, siya ang unang pangulo na pagkakalooban ng state funeral.

Si Duterte ay 70 anyos at nakikini-kinita raw niya na sa malaon at madali, siya’y malapit nang mamatay. Dahil dito, tiyak na lalong mag-uumulol sa pagsisikap sina Sen. Alan Peter Cayetano at Sen. Bongbong Marcos upang makatambal o suportahan ang sino man sa kanila ng tough-talking mayor ng Davao City. Abangan!

Samantala, si Sen. Miriam Defensor Santiago na kandidato rin sa pagkapangulo ay may sakit din umano ng Stage 4 cancer. Katambal niya si Sen. Marcos na atat na atat na magwagi bilang pangalawang pangulo sa layuning makabalik sa poder ang mga Marcos. Alinman kina Duterte at Santiago ang manalo sa 2016 presidential elections, buwenas ang mananalong katambal nila sapagkat siya ang papalit na pangulo kapag pumanaw.

Batay sa mga report, inihayag ni Digong na siya ay may Buerger’s Disease, o pamamaga ng blood vessels sa mga kamay dahil sa paninigarilyo. Bukod dito, may ulat din na siya ay may Barret’s Esophagus, mas seryosong uri ng gastroesophageal reflux, na ang linya ng esophagus ay napapalitan ng intestinal tissue. Kung ‘di raw ito maaagapan, maaaring mauwi ito sa esophageal adenocarcinoma.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Gayunman, ang ganitong uri ng cancer ay “rare” o pambihira lamang. Itinanggi ni Mayor Duterte na siya ay may kanser sa lalamunan, gaya ng isinulat ng isang writer na umano ay propagandista ni LP standard bearer Mar Roxas. Itinanggi ito ng ginoo ni Korina Sanchez. Talagang umiinit na ang takbo ng pulitika sa ‘Pinas na inaalmusal, pinanananghalian at hinahapunan (minsan nga ay meryenda pa sa gabi) ng mga Pinoy na parang sawa na sa Tuwid na Daan dahil sa matinding trapiko sa EDSA at malimit na aberya ng MRT at LRT.

Nahaharap sa DQ (disqualification) sina Sen. Grace Poe at Digong Duterte. Sakaling madiskuwalipika sina Ampon at Palamura, ang maiiwang maglalaban ay sina Roxas, VP Jojo Binay at Santiago. Kapag ganito ang nangyari, malamang kaysa hindi, si Nognog na, oops VP Binay pala, ang mananalo, at malamang kaysa hindi rin, kulong si PNoy sa 2016.

Nakatatawa ang naging “twist” sa inihaing DQ ni 2013 defeated senatorial bet Rizalito David laban kay Amazing Grace.

Sa halip na si Sen. Grace ang madiskuwalipika, siya ang idiniskuwalipika ng Comelec sa pagiging nuisance candidate dahil hindi naman siya ini-nominate ng Ang Kapatiran Party nina Nandy Pacheco at Norman Cabrera. Karma ba ito?