Siyam na koponan, kabilang ang Nomads, ang tampok sa binubuong batang miyembro ng pambansang koponan sa ginanap na Women in Sports Football Festival 2015 Under 17 and Women’s Open sa Rizal Memorial Football pitch na nagsimula kahapon (Disyembre 12) at ngayon (Disyembre 13).
Ang Nomads, na binubuo ng 13 manlalaro mula sa dating National Under 14 Girls Team, ay sasabak sa Under 17 kontra sa koponan nang West Bicutan at Tuloy sa Don Bosco.
“A lot of teams had committed to join but backed-out at the last minute because of exams and some had to finish their school duties that is why medyo small in numbers ang nakasali,” ang sabi ni Games Commissioner Ma. Christina Ahorro.
Napag-alaman din kay Ahorro na nagawang magwagi ng PHI Girls Under 14 Team ng pilak na medalya sa ginanap noong 2014 AFC Girls Football Championships sa Malaysia kung saan tampok sa nakamit nitong tagumpay din sa torneo ang pagwawagi sa semifinals kontra Thailand sa semifinals.
Sasabak naman ngayong umaga sa pinakatampok na dibisyon na women’s open ang anim na koponan na mula sa Fuego Espana, College of St. Benilde, San Beda College, Far Eastern University, Nomads at West Bicutan sa torneo na nasa ilalim ng Women In Sports Program ng Philippine Sports Commission (PSC).
Inaasahan na mahihitik sa aksiyon ang mga laban ngayong umaga bunga ng paghaharap ng tinanghal na kampeon sa UAAP na Far Eastern University (FEU) at sa NCAA na San Beda College sa torneo na inorganisa ni PSC Commissioner at Project Director Akiko Thomson-Guevarra at Tournament Director Atty Ma. Fe “Jay” Alano.
Pinamamahalaan ni Alberto Honasan ang liga bilang Tournament Commissioner kasama si Ariel Serrantes bilang Match Commissioner.
Una nang tinanghal na kampeon ang Chelsea Football Club at Xavier School matapos magwagi sa Girls Under 16 at Girls Under 14 sa ginanap na 1st Women’s Football Festival.2015 Women in Sports Festival, sumipa sa Rizal Memorial.
(ANGIE OREDO)