Opisyal ng magsasama-sama ang mga pinakamahuhusay na mga batang atleta na sasagupa kontra sa miyembro ng pambansang koponan sa pagsasagawa ng 2015 Philippine National Games finals sa ikalawang Linggo ng Marso, 2016 sa makasaysayang probinsiya ng Lingayen, Pangasinan.
Ito ang kinumpirma mismo ni Philippine Sports Commission (PSC) National Games project director Atty. Ma. Fe “Jay” Alano matapos na makumpleto ang pagsasagawa ng mga qualifying legs sa Luzon, Visayas at Mindanao ngayong taon bilang pagpapalawak sa paghahanap ng talento para sa mga pambansang koponan.
“PSC Chairman Richie Garcia gave us the go signal to held it in Pangasinan,” sabi ni Alano, ukol sa kada taon na torneo na pagsasama-samahin sa unang pagkakataon ang lahat ng nagwagi ng gintong medalya sa qualifying leg upang isagupa at hamunin ang mga elite athletes na kabilang naman sa mga pambansang koponan.
Matatandaang, isinagawa ang Luzon qualifying leg noong Hulyo 2 - 6 kung saan ang mga event ay pinaglabanan sa Rizal Memorial, Philsports at Marikina Sports Complex. Ang Pagadian City ang nag-host sa Mindanao leg noong Setyembre 10 -14 habang sa Antique ang Visayas leg noong Nobyembre 10 hanggang 14.
Ito ang unang pagkakataon na nagsagawa ng qualifying leg sa dating isang beses lamang ginaganap kada taon na PNG sa hangad na rin ng PSC na makadiskubre at mabigyan ng tsansa ang mga hindi gaanong nakikita ng mga atleta mula sa Visayas at Mindanao.
Kabuuang 48 sports ang paglalabanan sa multi-sports event na aktibidad na para lamang sa mga atleta edad 16-anyos pataas kabilang dito ang regular na 10 na prayoridad na isinagawa kada yugto. Ang 10 sports ay athletics, archery, arnis, badminton, boxing, chess, karatedo, billiards, swimming at taekwondo.
Ang iba pang paglalabanang sports ay ang baseball, basketball, boccia, bowling, bridge, canoe-kayak, dragon boat, cheerleading, cycling, dancesport, diving, fencing, football, futsal, goalball, gymnastics, golf, judo karate, lawn tennis, motorcross, muay thai, pencak silat, powerlifting, rugby, sailing, sepak takraw, shooting, softball, soft tennis, table tennis, triathlon, volleyball, beach volleyball, wall climbing, waterpolo, weightlifting, windsurfing, wrestling at wushu.
Sa kasalukuyan, mayroong 800 atleta na kabilang sa national pool kasama ang halos 100 priority athletes na tumatanggap ng mahigit na P40,000 kada buwang allowance, libreng edukasyon, pabahay at makapagsanay din sa labas ng bansa.
Ilang atleta na ang nadiskubre sa PNG para sa national team kabilang ang batang siklista na si Marella Salamat na nagwagi ng gintong medalya sa women’s individual time trial sa ginanap na Southeast Asian Games sa Singapore.
(Angie Oredo)