NAKATSIKAHAN namin si Luis Manzano bago umalis papuntang abroad kasama si Angel Locsin at agad nilinaw ang sinasabing may waiter sa isang steak house na ipinatanggal niya.
Isang nagngangalang Cris Silao ang tinutukoy ni Luis na nagreklamo sa pamamagitan ng Instagram post sa account ni Angel na diumano’y si Luis ang dahilan kung bakit ito nawalan ng trabaho. Kasama raw ni Luis ang kaibigang si Billy Crawford nang mangyari ang insidenteng tinutukoy nito.
Sa reklamo ni Cris, na isang Engineering student at malapit nang magtapos sa UP, umangal daw sina Luis at Billy dahil hindi well done ang steak na inihain nito para sa dalawa. Binanggit din nito na sa pagkatanggal niya sa trabaho ay paano na ang pamilyang umaasa sa kanya dahil siya pa naman ang breadwinner.
Ang ikinagulat pa ni Luis, kesyo nagawa pa raw nilang duraan ang sapatos ng waiter.
“Hindi totoo ang sinasabi niya,” pahayag ni Luis. “Medyo paninira na lang yata ‘yan sa akin at kay Billy Boy. And one more thing, eh, never pa kaming lumabas ni Billy Boy at kumain ng steak.”
Sobrang tagal na raw na hindi sila nagkakasamang lumabas ng kaibigan. Takang-taka si Luis kung paano at nakagawa ng kuwento itong nagrereklamo laban sa kanila.
“I’ve been dining out mula pa no’ng bata pa ako. I can say na wala pa akong binabastos na kahit sinong waiter o kahit sinong empleyado o simpleng trabahador. Pantay-pantay ang tingin ko sa may-ari ng restaurant o kahit na ‘yung tagasilbi ng pagkain,” dagdag pa ng pinarangalang Best Game Show Host sa katatapos na Star Awards. Binanggit din ni Luis na ilang beses na rin namang nangyari na mali ang ibinigay na pagkain sa inorder niya, pero hindi niya ginagawang isyu dahil hindi siya mareklamong tao. May mga pagkakataon pa nga raw na hindi niya gusto ang lasa ng pagkaing ibinigay sa kanya, pero hinding-hindi nangyari na may binastos siyang tagapagsilbi ng pagkain.
“There was a time na na-serve-an ako ng steak na lasang sabon, eh, tinawanan at ibinulong ko na lang sa waiter, para ‘di siya ma-stress. Naku, good luck na lang sa ginawa niyang pagdamay sa akin at kay Billy sa problema niya,” sabi na lang ni Luis.
Ang hamon na lang ngayon ni Luis sa nagreklamo sa kanya thru Instagram sa account ni Angel Locsin na pangalanan kung anong restaurant sila kumain ni Billy at nagtanggal sa kanya sa trabaho bilang waiter, huh!