Nagtala ng malaking puntos ang apat na beses na naging scoring champion na si Kevin Durant, na bihirang makagawa ng triple-double, na naging rason upang iangat nito ang Oklahoma City Thunders sa 107-94 panalo kontra Atlanta Hawks sa Chesapeake Energy Arena.
Agad gumawa ang Thunder forward ng 5 assist sa unang yugto tungo sa pagtatapos ng laro na may kabuuan na 25-puntos, 12 rebound at 10 assist para sa kanyang ikapitong career triple double na nag-angat sa Oklahoma City sa kabuuang 14-8, panalo-talong kartada.
Kakaiba ang ipinakita ni Durant sa kanyang paglalaro kumpara sa natamong kabiguan ng Thunders kontra sa Hawks noong Nobyembre 30 kung saan nalimitahan nito ang kanyang pagtira at mas nag-focus ito sa pagpasa na naging dahilan upang mabigo ang Oklahoma sa Atlanta na nahulog sa kabuuang 14-10 panalo-talong kartada.
Nag-ambag si Russell Westbrook ng 23-puntos at 10 assist. Ikalawang pagkakataon lamang na kapwa nagtala sina Durant at Westbrook ng 10 assist sa isang laro at pinakauna na nangyari sa panalo.
Naisagawa ni Durant ang kanyang huling assist sa pasa nito kay Westbrook para sa isang 3-pointer sa natitira na lamang na 1:14 segundo.
Napantayan ni Serge Ibaka ang kanyang season high na 23-puntos at humugot ng 10 rebound para sa Thunder na nagwagi ng ikatlo nitong sunod na panalo.
Samantala, umiskor si Pao Gasol ng kabuuang 24- puntos dagdag ang anim na pasa upang itulak ang Chicago Bulls sa pagsuwag nito sa Los Angeles Clippers, 83-80, na pumigil sa sunod-sunod nitong kabiguan sa United Center.
Nakahanap ng pagkakataon ang Bulls na makatakas sa kalagitnaan ng ikatlong yugto matapos mapatalsik sa laro ang Clippers All-Star na si Blake Griffin dahil sa hard foul nito kay Taj Gibson.
Nabitawan ng Bulls ang 16-puntos na abante matapos na maghabol ang Clippers bago na lamang nasiguro ang panalo mula sa isang floater ni dating MVP Derrick Rose sa huling 45 segundo para sa iskor na 83-77.
Pinilit pa ng Los Angeles itabla ang laban matapos ihulog ni Wesley Johnson ang isang 3-pointer bago nakuha ng Clippers ang bola mula sa sablay ni Jimmy Bulter ng Chicago, may 6 na segundo pa sa orasan. Gayunman, sumablay si Chris Paul sa pantabla sana na 3-point attempt. (ANGIE OREDO)