Binigyan ng Police Security Protection Group (PSPG) ng hanggang Enero 10, 2016 ang mga opisyal ng pamahalaan para ibalik ang kanilang mga security escort sa Philippine National Police.
Ayon kay PSPG spokesperson Supt. Rogelio Simon, inabisuhan na nila mga opisyal ng pamahalaan kaugnay sa recall ng kanilang mga tauhan.
Sinabi ni Simon, hindi exempted ang presidentiables gaya ni Vice President Jejomar Binay, dating Department of Interior and Local Government Sec. Mar Roxas at Senator Grace Poe.
Umabot sa 200 tauhan ng PSPG ang kasalukuyang nakatalaga sa mga pulitiko.
Ang mga ni-recall na police escort ay pansamantalang itatalaga sa headquarters hanggang sa bigyan muli sila ng bagong assignment.
Iginiit ni Simon na paglagpas ng Enero 10, ang pag-request muli ng police security escort ay idadaan na ng mga kandidato sa Comelec na siyang mag-aapruba sa kanilang kahilingan para sa security setup.
Nabatid na hanggang apat lamang ang maaaring italagang bodyguard sa mga kakanditao sa susunod na taon.
Ayon kay Simon, maximum na dalawa ang maaari nilang italagang PSPG personnel sa isang kandidato at ang dagdag na dalawa ay maaaring hugutin sa mga private security agency. (Jun Fabon)