Lagapak ang kampanya ng Pilipinas sa paglahok nito sa ginanap na 7th Association of South East Asian Nations (ASEAN) Schools Games matapos mag-uwi ng tatlong ginto, apat na pilak at 11 tanso para sa 17 medalya para sa mababang pangkalahatang ikaanim na puwesto sa walong sumaling bansa sa Brunei, Darrusalam.
Huling tumapos sa ikaapat na puwesto ang Pilipinas na isinagawa mismo sa bansang 6th ASEAN Schools Games partikular sa Marikina City kung saan nakapag-uwi ito ng 11 ginto, 14 na pilak at 22 tanso para sa kabuuang 47 medalya sa torneo na sinalihan ng pitong bansa.
Nagwagi sa 6th ASEAN Schools Games ang Malaysia (41-34-30= 105), ikalawa ang Thailand (35-29-36= 100) at ikatlo ang Indonesia (15-31-30= 76).
Kampeon naman sa ika-7 edisyon ang Indonesia (25-24-10=59), ikalawa ang Malaysia (20-14-22=56), sunod ang Thailand (13-31-26=70), Vietnam (12-2-10=24) at Singapore (6-4-10=20).
Kumpara sa 11-gintong napanalunan noong nakaraang taon ay tanging nagwagi ng tatlong gintong medalya sina Jose Jerry Belibestre Jr. sa long jump, Bryan Pacheco sa javelin throw, at si Yuka Saso na tinanghal na kampeon sa individual stroke play sa golf.
Nagkasya rin ito sa apat na pilak mula kina Martin James Esteban sa triple jump at swimmers na sina Arian Neil Puyo mula sa 100m back at 100m breaststroke at Maurice Sacho Ilustre sa 100M free. May tanso rin si Pacheco sa shot put at si Puyo sa 200m back.
Ang iba pang nakatanso ay sina Gilbert Rutaquio (2000m steeplechase), Angel Cariño (long jump at triple jump), Harmie Nicole Constantino (golf) at sina Samantha Marie Bruce, Ashia Marie Nocum, Yuka Saso at Harmie Nicole Constantino sa golf team event.
Nakatanso rin si Ilustre sa 200m free at 200m fly at Nicole Meah Pamintuan sa 200m back habang ang national champion sa badminton na si Mark Shelly Alcala ay tanso rin sa boys’ singles. (ANGIE OREDO)