CITY OF SAN FERNANDO, Pampanga — Inihayag ng Department of Labor and Employment (DoLE) na tatanggap ang mga sumusuweldo ng minimum sa mga lalawigan sa Central Luzon ng P15 hanggang P20 umento sa kanilang arawang sahod simula sa Mayo 2016.

Sinabi ni Secretary Rosalinda Baldoz na ang mga manggagawa sa Pampanga, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Tarlac, at Zambales ay tatanggap ng karagdagang P15 sa kanilang arawang suweldo, habang ang mga empleyado sa Aurora ay mayroon namang P20 umento.

“Inaprubahan namin ang Wage Order No. RB III-19 na nagdadagdag ng P15 kada araw sa minimum wage sa anim na lalawigan, at P20 kada araw sa mga manggagawa ng Aurora sa retail at services establishments na may 16 na empleyado pababa,” saad sa pahayag ni Baldoz.

Ipinaliwanag ni DoLE-Region 3 Director Ana Dione na ang pinakamataas na minimum wage sa rehiyon ay nasa P364 na ngayon, na higit sa poverty threshold na P248 para sa bawat pamilyang may limang miyembro, batay sa datos noong Disyembre 2012.

Probinsya

Grade 10 student, ginilitan jowang 14-anyos na babae matapos hindi makaiskor?

Sinabi ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) na ang umento sa anim na lalawigan ay ipagkakaloob sa dalawang tranch: P8 sa una, o sa pagpapatupad ng Wage Order, at P7 sa Mayo 1, 2016.

Hahatiin naman, o tig-P10 ang pagbibigay ng umento sa Aurora sa kaparehong mga panahon.

Sinabi ni Dione na ang huling umento ay tatanggapin ng lahat ng sumusuweldo ng minimum sa pribadong sektor sa Region 3.

Ang mga kasambahay at iba pang taong nagtatrabaho para sa personal na serbisyo ng iba ay hindi saklaw ng dagdag-sahod, ayon kay Dione. (Franco G. Regala)