Ibinasura ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) ang kasong kriminal laban sa American missionary na si Lane Michael White, ang unang nakuhanan ng bala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa rekord ng korte, Disyembre 7 pa inutos ni Pasay RTC Branch 119 Judge Pedro De Leon Gutierrez na ibasura ang kaso ngunit nitong Huwebes lamang ito inanunsyo.

Kinasuhan si White ng illegal possession of ammunition matapos madiskubre ang isang bala ng kalibre .22 baril sa loob ng kanyang bagahe habang nasa paliparan noong Setyembre 12.

Iginiit ni White na biktima siya ng “tanim-bala” modus sa aiport at ibinunyag na ilang opisyal sa NAIA ang nagtangkang mangikil sa kanya ng P30,000. Nang tumanggi siyang magbigay ng pera ay ikinulong siya ng anim na araw hanggang sa magpiyansa ng P40,000.

Bumisita sa bansa si White para sana samahan ang kanyang mga magulang sa pagpapatayo ng isang simbahan sa Coron, Palawan. (Bella Gamotea)

Tsika at Intriga

Kuya Kim Atienza, ipinanawagang huwag gawing politikal ang ‘Threads’