Sinampahan ng kasong graft ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan si dating Looc, Romblon municipal mayor Juliet Ngo-Fiel kaugnay sa maanomalyang bidding ng isang small scale irrigation project.
Kasamang inakusahan ni Fiel sa kasong paglabag sa Section 3(e) of Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) ang mga miyembro ng Bids and Awards Committee ng bayan na sina Solomon Gregorio, Renato Saludaga, Jessie Jomadiao, Wilma Pastor at Rolando Gregorio.
Batay sa record, noong 2007 ang bayan ng Looc ay tumanggap ng P9million grant mula sa Department of Agriculture para sa rehabilitasyon ng small water impounding project nito.
Noong Nobyembre 2007, iginawad ni Fiel ang P8.99 million kontrata sa nag-iisang bidder na R.G. Florentino Construction and Trading (RG Florentino).
Nabatid sa audit report ng Commission on Audit na may ilang iregularidad sa naganap na bidding sa proyekto tulad ng kawalan ng certificate of availability ng pondo; publication para sa invitation to bid na babayaran ang contractor; walang posting ng invitation to bid sa PhilGEPS at walang balidong bid security na naisumite hinggil dito.
Ang mga akusado ay tinanggal na sa serbisyo noong Agosto 2015 dahil sa kasong administratibo kaugnay sa parehong reklamo. (Jun Fabon)