Direk Tonet at Direk Dan copy

ANG ganda ng tandem ng magdyowang direktor na sina Dan Villegas at Antoinette Jadaone dahil parehong magaling magsulat at mahusay sa photography.

No wonder, saluhan sila ng trabaho kapag hindi pumuwede ang isa, tulad sa seryeng On The Wings of Love na idinidirek ni Antoinette na nasabay sa shooting ng All You Need is Pag-Ibig na entry ng Star Cinema sa 2015 Metro Manila Film Festival (MMFF) kaya si Direk Dan ang pumalit.

“Nag-sub (substitute) ako sa kanya for eight days, kasi hindi siya (Direk Tonet) puwede, so ako muna. Nagkataong pahinga kami ng three weeks dito (Walang Forever) kasi nagbakasyon si... (hindi itinuloy kung sino),” sabi ni Direk Dan nang makausap namin pagkatapos ng Q and A sa presscon ng Walang Forever nina Jericho Rosales at Jennylyn Mercado na entry naman ng Quantum Films sa Metro Manila Film Festival.

Nagulat kami, kasi wala man lamang nakitang naiba sa pagkakadirek ng OTWOL. Kaya nagtanong kami kung anong parte ng serye ang hinawakan ni Direk Dan.

Mga Pagdiriwang

Kailangan din bang batiin ng ‘Mother’s Day’ ang mga Ate?

“’Yung pong kay Paulo (Avelino), ‘pina-template sa akin ‘yung character ni Paulo, lahat ng flashback niya,” kaswal na banggit ni Direk Dan.

Akalain mo, iisa pala ang directing style nina Direk Dan at Direk Tonet?

Pero paano ‘yan, magkakumpetensiya sila sa MMFF.

“I don’t see it as kalaban or competition or rival, kasi unang-una, nagtutulungan kami dito sa dalawang pelikula (All You Need Is Love at Walang Forever). ‘Yung istorya kasi dito (Walang Forever), hindi lang naman ako ang gumawa, kasi before ipinasa itong istorya (sa producer), kaming dalawa ang sumulat ng script, even din sa pelikula niya (All You Need is Pag-Ibig), nag-uusap din kami, nagko-consult din siya. Tulungan talaga kami about our projects, kaya tulungan talaga, kung baga no competition talaga or rival,” paliwanag ni Direk Dan.

Hindi ba nai-insecure si Direk Dan sa girlfriend na maingay ang pangalan ngayon dahil sa malaking success ng OTWOL.

“Wala po. Nagpapasalamat nga ako, hindi ako insecure. Kasi kung insecure akong tao, eh, talagang nakaka-insecure si Tonet, di ba? Kasi may On The Wings (of Love) siya, may pelikula (All You Need is Pag-Ibig) pa siya, ‘tapos may Tita Witty (Save the World) pa siya.

“Kaya thank you, Lord! I’m so happy and proud that my girlfriend is very successful at sa ganu’ng level, let her fly,” magandang sabi ni Direk Dan.

In fairness, hindi lang magaling na direktor si Direk Tonet, witty at maganda rin, huh, maski chubby. Kaya ang sunod na tanong namin kay Direk Dan, hindi ba siya natatakot na baka may manligaw kasi ‘hot’ ngayon ang kanyang girlfriend?

“Hindi naman kasi ang usapan namin, mahal niya ako, mahal ko siya, ganu’n,” tumawang sabi ni Direk Dan. So, hindi applicable sa kanila ang titulo ng pelikulang Walang Forever.

Wala ba siyang planong magdirek din ng teleserye? “Mayroon naman pong paramdam ang ABS kaya sobrang thankful po ako, sa unit po ni Sir Deo (Endrinal, business unit head ng Dreamscape),” pag-amin ng direktor.

Tinanggap na ba niya ang offer? “Ngayon po, nag-uusap-usap pa po kasi may kailangang unahing project muna ako after nitong Walang Forever.”

Magtatatlong taon na ang relasyon nina Direk Dan at Direk Tonet, kaya siyempre ang sunod na tanong namin ay kung kailan ang kasal.

“Napag-uusapan na, ipon-ipon.”

Sa sobrang kabisihan nilang dalawa, hindi kaya magkalimutan na?

“Ay, hindi. Huwag naman po sana, importante ‘yun, eh,” napangiting sabi. “Saka hindi na po kami bumabata parehas.”

Inintriga namin si Direk Dan kung sino ang mas magaling sa kanila ni Direk Tonet.

“Magkaiba po, eh. Si Tonet po kasi since writer siya, so mas script-oriented siya, ako kasi cinematographer ako, so more on visuals po ako nao-OC (obsessive compulsive).” Anu-anong pelikula na ang magkatulong nilang binuo? “Nag DOP (director of photography) po ako sa kanya, ‘yung Beauty In A Bottle, ‘tapos ‘yung Just Relaks, It’s Just Pag-Ibig ako po cinematographer doon, ‘tapos co-producer naman ako sa (That Thing Called) Tadhana ,” kuwento ni Direk Dan.

Si Direk Tonet naman ang sumulat script ng English Only, Please at Break-Up Playlist na dinirihe niya.

Perfect ang tandem, di ba, Bossing DMB kaya hindi kataka-taka na nagiging hit ang mga pelikulang ginagawa nila.

(REGGEE BONOAN)