Aprubado na sa ikalawang pagbasa ang Senate Bill No. 12 na magbibigay ng retirement benefits sa mga opisyal ng barangay at health workers.
Kapag naisabatas, obligado ang gobyerno na maglaan ng P5.2 bilyon pondo sa retirement pay ng mga kuwalipikadong opisyal ng barangay at manggagawa sa sektor ng kalusugan.
Ayon kay Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., may akda ng panukala, nakasaad sa SB No. 12 na makatatanggap ng retirement pay na P100,000 ang bawat kuwalipikadong barangay chairman; P80,000 para sa bawat kagawad; at P50,000 sa kada treasurer, secretary, tanod, miyembo ng Lupon ng Tagapamayapa, at health at day care worker.
Bilang chairman ng Senate Local Governments Committee, ikinalungkot ni Marcos ang kakarampot na benepisyong ibinibigay ng gobyerno sa mga opisyal ng barangay na naatasang magbigay serbisyo sa mamamayan.
Sa ilalim ng SB No. 12, maituturing na kuwalipikado ang isang opisyal ng barangay sa retirement pay kung ito ay edad 60 pataas at nasa serbisyo ng hindi bababa sa siyam na taon. (Mario Casayuran)