CABANATUAN CITY - Dalawang mataas na opisyal ng National Food Authority (NFA) at limang iba pa ang sinibak sa puwesto sa Nueva Ecija kaugnay ng umano’y maanomalyang “misclassification” ng 32,695 sako ng palay.

Ayon kay NFA Region-3 Director Amadeo De Guzman, na-relieve sa puwesto sina George Roca at Daniel Valenzuela, NFA provincial manager at assistant manager sa NFA-Region 3, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa misclassification ng palay stocks.

Gayunman, nilinaw ni De Guzmaan na wala pang kasong naisasampa laban sa dalawa.

Na-relieve rin sa puwesto ang lima pang empleyado ng NFA-Region 3 na sina Solar Dryer Engr. Edmar Torres; Cesar Paul C. De Guia, quality control officer; Adam B. Rayos, post control officer; Leo Thereso C. Ramos; at Jimmy Mallari, acting provincial quality assurance officer.

Probinsya

Lalaki, halos maputol ang daliri matapos saksakin ng pinagkakautangan

Inalis sa puwesto ang pito batay sa order ni NFA Administrator Ronan Dalisay, na nag-isyu ng special order sa Security & Investigation Services Department (SISD), Internal Audit Services Department (IASD), at Technical Research & Services Department (TRSD) para magsagawa ng masusing imbestigasyon.

Sinabi ni De Guzman na ang iniimbestigahang 32,695 bags of palay ay hindi napinsala ng bagyo kundi binili ng NFA na umano’y misclassified, dahil ang procurement cost ay P27.8 milyon, gayung ang actual cost nito ay P17.9 milyon lamang. (Light A. Nolasco)