ANG imahe ng mga lalaki bilang handa sa mga panganib ng aktibong pakikipagtalik ay nangangahulugang mas delikado silang mamatay sa HIV/AIDS kaysa mga babae, ayon sa mga eksperto, at nanawagan ng mas maraming pagsusuri kontra HIV sa mga lugar ng trabaho upang mas maraming lalaki ang maiiwas sa sakit at mabago ang gawi at paniniwalang iniuugnay sa kasarian.

Bagamat anim sa bawat sampung African na may HIV ay kababaihan, nasa 25 porsiyento ng kalalakihan ang may malaking posibilidad na mamatay dahil sa sakit, ayon sa pananaliksik ng Africa Centre for Health and Population Studies sa South Africa, na may pinakamalaking epidemya ng AIDS sa mundo.

“A lot has been achieved in the AIDS response, but we will be more successful if we put greater emphasis on engaging men and boys,” sinabi ni Dean Peacock, founding director ng South African advocacy group na Sonke Gender Justice, sa Thomson Reuters Foundation.

“The majority of people who don’t access services are men—and that’s bad for everyone.”

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Mas hindi bukas ang kalalakihan sa pagpapasuri sa HIV, sila rin ang hindi tumutupad sa antiretroviral therapy (ART) upang makontrol ang sakit, at mas madalas na huli nang nagpapagamot kaya naman namamatay, isinulat ni Peacock sa dokumento na kasama siyang isinulat at iprinisinta sa United Nations program on HIV/AIDS (UNAIDS) nitong Miyerkules.

Hindi imposible na mga lalaki na ang bubuo sa 70 porsiyento ng mga pagkamatay na may kaugnayan sa AIDS sa mga bansang maraming kaso nito, ayon sa dokumento, bagamat doble ang HIV infection rate sa kababaihan na edad 15 hanggang 24 kumpara sa mga lalaki sa kaparehong edad.

Mas delikadong magkaroon ang kababaihan ng HIV/AIDS dahil mababa pa rin ang estado nila sa ilang lipunan, at dahil sa kahirapan at karahasan, kaya naman kadalasang nangangahulugan ito na hindi sila makapipili kung makikipagtalik sila o gagamit ng condom.

Dahil dito, nakatuon ang mga serbisyong pangkalusugan sa pagpapasuri sa kababaihan laban sa sakit, kadalasan tuwing nagdadalantao sila, at pinaiinom ng ART upang maiwasang maisalin ang virus sa kanilang sanggol.

Upang tuldukan ang epidemya ng HIV, kailangang higit na pagtuunan ng atensiyon ang pagpapasuri at paggamot sa kalalakihan, ayon kay Peacock, sa pag-aalok ng mga serbisyong eksklusibo para sa kanila sa lugar ng trabaho, na maaari ring bukas kahit Sabado at Linggo at pinangangasiwaan ng lalaking manggagawa.

Kapag batid ng kalalakihan ang kanilang HIV status, mas bibihira silang gumamit ng condom upang protektahan ang kanilang mga katalik, ayon sa pag-aaral. Gayundin, kapag hindi sila gumagamit ng ART, nananatiling mataas ang kanilang viral load at mas malaki ang tsansang maihawa nila ang HIV.

Inirerekomenda ng World Health Organization ang agad na pagsisimula ng ART ng lahat na may HIV upang maprotektahan ang kanilang kalusugan at mabawasan ang panganib ng panghahawa.

“Men are socialized to see health-seeking as a sign of weakness,” sabi ni Peacock. “Many men feel they can only access health services when something is broken or falling off.”