Idineklara na ng Commission on Elections (Comelec) na nuisance candidate si Rizalito David.
Sa anim na pahinang desisyon ng Comelec Second Division, kinansela nito ang certificate of candidacy (CoC) sa pagkapangulo na inihain ni David sa poll body.
Nakasaad sa resolusyon na walang bona fide intention si David para tumakbo sa pagkapangulo.
Kumbinsido rin ang Comelec na wala siyang kapasidad na magpondo sa isang nationwide campaign.
Bagamat tinukoy ni David na nominado siya ng Kapatiran Party sa pagkapresidente, kinontra naman ito ng presidente ng partido na si Norman Cabrera sa liham na isinumite nito sa Comelec Law Department.
Si David ang naghain ng disqualification case laban sa presidential aspirant na si Senator Grace Poe sa Senate Electoral Tribunal (SET). (Mary Ann Santiago)