Iginiit ng isang paring Katoliko na ang pagiging pangulo ng bansa ay tungkol sa pagkatao at wala nang iba pa.

Ito ang binigyang-diin ni Fr. Anton Pascual, pangulo ng Radio Veritas at executive director ng Caritas Manila, kaugnay ng naging pahayag ng presidential candidate na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na magbabayad ito sa Caritas Davao sa bawat pagmumura nito.

Ayon kay Pascual, hindi pa huli ang lahat upang mamulat si Duterte sa kagandahang asal, lalo na sa pagbibitaw ng mga salita.

“Hindi naman pera ang isyu d’yan. Ang isyu ay bilang presidente mahalaga ‘yung maganda ‘yung ating pananalita, at matindi rin tayo sa paggawa. Because, presidency is about character, nothing more, nothing less,” ani Pascual.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Pinaalalahanan din ng pari si Duterte na maging mabuting halimbawa lalo na sa kabataan na ‘tila tinatawanan lang ang pagmumura nito.

“Tayo ay tinitingala as a role model ng lahat ng tao lalong-lalo na ng kabataan. Kaya mahalaga sa isang presidente or presidentiable na makitaan siya ng ‘ika nga, eh, GMRC, Good Moral and Right Conduct at all times. Kasi ang pagiging isang pangulo ay isang modelo ng tamang asal,” ani Pascual.

Iginiit pa ng pari na hangad ng bawat Kristiyano ang maging mabuti matapos ipagmayabang ni PDP-Laban President Sen. Koko Pimentel na nagbago na si Duterte at ipinaubaya na sa tao ang paghuhusga kung nakamit ni Duterte ang pagiging santo.

Magugunita na nagpahayag ng kahandaan si Duterte na mag-advance ng bayad sa Caritas Davao ng P50,000 na ide-debit sa tuwing magmumura siya. (Mary Ann Santiago)