Maaga pa lamang ay nananawagan na ang Malacañang sa publiko na iwasan ang pagbili o paggamit ng mga ipinagbabawal na paputok sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

“Nananawagan ang pamahalaan sa mga mamamayan na umiwas sa pagbili o paggamit ng mga mapanganib at ipinagbabawal na paputok para sa ligtas na pagdiriwang ng darating na Pasko at Bagong Taon,” pahayag ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma, Jr.

Sinabi niya na nakikipag-ugnayan na ang Department of Health (DoH) sa mga lokal na sangay ng pamahalaan at sa Philippine National Police (PNP) para sa kampanyang ito.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Paulit-ulit na hinihikayat ng gobyerno ang publiko na gumamit ng mga torotot bilang alternatibo sa paputok para maiwasan ang pinsala sa pagsalubong ng Pasko at Bagong taon.

Ngayong 2015, nakapagtala ang DoH ng 804 fireworks-related injuries mula sa 50 ospital sa buong bansa.

Sa bilang na ito, 793 (98.6 porsyento) ay dulot ng mga pinsala sa paputok, 2 (0.2 porsyento) mula sa pagkakalunok ng fireworks, at 9 (1.1 porsyento) ay mula sa pinsala ng mga ligaw na bala.

Ang kabuuang bilang ng mga kaso ay 10 porsyentong mas mababa kaysa parehong panahon noong nakaraang taon na nasa 894. (Madel Sabater-Namit)