HINDI lamang ang naging karanasan sa pananalasa ng pinakamatinding bagyong tumama sa kalupaan sa mundo—ang ‘Yolanda’ noong 2013—ang naging papel ng Pilipinas sa tatapusing United Nations (UN) climate talks sa Paris, France, kundi ang pagsuporta, kasama ang 35 iba pang bansa, sa inisyatibong magsusulong ng geothermal energy sa mga papaunlad na bansa.
Nagpulong noong nakaraang taon ang Global Geothermal Alliance sa isang summit na inorganisa ni UN Secretary General Ban Ki-moon. Sa komperensiya sa Paris ngayong lingo, isinulong ng alyansa ang pagpapabuti at paggamit ng enerhiyang geothermal na lumilikha ng mas kakaunting carbon kumpara sa fossil fuels, na tulad ng petrolyo at uling. Siyamnapung bansa sa mundo ang may geothermal resources ngunit 24 lang sa mga ito ang aktuwal na gumagamit nito. Sa ngayon, isa ang Pilipinas sa mga pangunahing gumagamit ng enerhiyang geothermal, kasunod ng United States.
Itinayo ng Pilipinas ang una nitong geothermal plant sa Leyte noong 1977, lumilikha ng 3 megawatts—3 million watts—ng kuryente. Ang maramihang produksiyon ng geothermal power ay nagsimula noong 1979 sa operasyon ng isang planta na lumilikha ng 110 megawatts—110 million watts—sa Albay. Pagsapit ng 2009, mayroon na ring mga geothermal plant ang Pilipinas sa Luzon, Leyte, Negros, at Mindanao at lumilikha ng 10,311 gigawatts—10,311 billion watts—na kumakatawan sa 17 porsiyentong kabuuan ng nalilikhang kuryente sa bansa.
Ang geothermal power ay nalilikha sa pagbabarena sa mainit na bato at paggamit ng natural na enerhiya upang painitin ang tubig na lilikha ng kuryente. Malinis ito at ang pinagmumulan ng enerhiya—ang init ng mundo—ay walang limitasyon. Wala ring sisingaw na anumang carbon sa buong proseso at nangunguna ito sa mga natural at renewable sources ng enerhiya—kasama ng araw, hangin, at alon—na isinusulong ng mga nagtataguyod sa climate change upang maging kapalit ng fossil fuels.
Sa komperensiya sa Paris, pinangunahan din ng Pilipinas ang kampanya ng Climate Vulnerable Forum (CFV) upang malimitahan ang pagtaas ng pandaigdigang temperatura sa hindi aabot sa 1.5 degrees Celsius above pre-industrial levels. Puntirya naman ng karamihan sa mauunlad na bansa ang limitasyon sa 2 degrees Celsius. Sa buong panahon ng komperensiya, inihayag ng Vatican ang suporta nito sa 1.5 degrees na isinusulong ng CFV.
Maraming aspeto ang problema sa climate change na hangad na maresolba ng komperensiya sa Paris. Isang panukalang draft sa kasunduan—ang resulta ng ilang buwang pag-uusap ng mga negosyador mula sa iba’t ibang bansa—ang isinumite sa pulong kamakailan. Nakasaad dito ang mga goal na itinakda ng bawat bansa sa carbon missions ng mga ito, ang mga panukala sa pagpopondo ng mayayamang bansa upang matulungan ang mahihirap na bansa na higit na gamitin ang malinis na enerhiya, at ang pangkalahatang goal na 2 degrees—o 1.5 degrees—na dapat na maging limitasyon ng pandaigdigang temperatura.
Nagbukas ang komperensiya sa Paris nitong Nobyembre 30 na napakaraming inaasam. Sa panahong magtatapos na ito ngayong araw, Disyembre 11, dapat na may napagkasunduan na sa iba’t ibang aspeto ng climate change upang matuldukan na ang mga pangamba tungkol sa tumataas na karagatan at lumalalang kalamidad, para magkaroon ng pag-asa ang mundo tungkol sa kinabukasan ng ating planeta.