Timbog ang isang empleyado ng isang jewelry store at kanyang ina na itinuturong nasa likod ng panloloob sa establisimyento sa Quezon City kamakalawa, na aabot sa P4-milyon halaga ng alahas ang natangay.

Kinilala ng pulisya ang mga suspek na si Salve Cacayuran, 29, No. 501 Berbosa Street, Barangay Iba, Meycauayan, Bulacan; at kanyang ina na si Maxima del Rosario, 60 anyos.

Tinangay umano ng dalawang suspek ang sari-saring alahas na nagkakahalaga ng P4,689,891 mula sa JME Jewelry Center sa Visayas Avenue sa Bgy. Vasra, Quezon City, na roon nagtatrabaho si Cacayuran bilang production head.

Lumitaw sa imbestigasyon na dakong 9:30 ng umaga noong Miyerkules nang madiskubre ni Jesusa Isidora, presidente ng JME Jewelry Center, na nawawala ang lahat ng alahas na ipinagagawa sa kanyang establisimyento makaraang mag-imbentaryo siya.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nang kumprontahin ng pulisya, lumitaw sa report na hindi maipaliwanag ni Cacayuran kung paano nawala ang mga alahas bagamat sa kanya ito ipinagkatiwala ni Isidora.

Kinalaunan, ikinanta ni Rhea Sevalla, isa ring empleyado sa jewelry story, na inamin sa kanya ni Cacayuran na ito ang tumangay sa mga alahas.

Nang mabuking ito, nagtungo si Del Rosario sa JME office at isinuko ang mga nawawalang alahas na kinabibilangan ng limang piraso ng 14-carat gold bracelet na may emerald, blue topaz at diyamante; isang pares ng diamond at crystal-embedded gold earrings; isa pang pares ng hikaw na may diyamante; at dalawang gintong hikaw.

Inimbitahan ni Isidora ang mag-inang Del Rosario sa Quezon City Police District (QCPD), na roon sila inaresto at ikinulong. (Vanne Elaine P. Terrazola)