Mga laro ngayon
Araneta Coliseum
4:15 p.m. Blackwater vs. Barako Bull
7 p.m. Rain or Shine vs. Alaska
Tatangkain ng Alaska ang ikawalong panalo upang makihati sa liderato ng kasalukuyang namumunong San Miguel Beer (SMB) sa gaganaping laban ngayong gabi kontra third running Rain or Shine ng 2016 PBA Philippine Cup eliminations sa Araneta Coliseum.
May nalalabi pang katiting na tsansang makahabol sa ikawalo at huling upuan sa playoff round, magkukumahog naman ang Blackwater na makamit ang ikalawang tagumpay na magtatabla sa kanila sa Mahindra sa ika-10 posisyon at patuloy na bubuhay sa pag-asa nilang makahabol sa quarterfinals.
Base sa format ng season opener conference, ang dalawang mangungunang team ay uusad awtomatiko sa semis habang ang susunod na dalawa ay kasamang papasok ng anim na iba pa sa quarterfinals ngunit may taglay na bentaheng twice-to-beat.
Kung magwawagi ang Aces, makalalamang na ito ng tatlong laro sa Elasto Painters na may hawak na barahang 6-2, panalo-talo, habang sinusulat ang balitang ito ay muling makasasalo sa pamumuno sa Beermen na ngayon ay nag-iisa sa ibabaw hawak ang barahang 8-1, panalo-talo.
Pasok na sa quarterfinals, hawak ang kartadang 4-4 ang Energy Cola na nasa solong ikapitong puwesto taglay ang patas na barahang 4-4, panalo-talo.
Kung magwawagi, aangat sila sa ikaanim na puwesto kasalo ng Barangay Ginebra Kings (5-4).
Para naman sa katunggaling Elite na nasa ika-11 puwesto sa barahang 1-7, panalo-talo, tatabla ito sa Mahindra sakaling manalo at posible pang humabol sa 8th at last quarterfinals berth kung maipapanalo ang huling dalawang laro kontra Mahindra at Star Hotshots (3-6).
Itataya ng Aces ang kanilang 4-game winning streak na nagsimula pagbalik nila sa Dubai kung saan nalasap ang una at nag-iisang kabiguan sa kamay ng Kings.
Huli nilang tinalo ang Meralco Bolts noong nakaraang Disyembre 3 sa iskor na 88-86.
Para naman sa panig ng Rain or Shine, magkukumahog itong bumangon at makabalik sa winning column pagkaraan ng natamong ikalawang kabiguan sa kamay ng Talk ‘N Text, 85-95, noong nakaraang Disyembre 6.