Nanawagan si dating WBC flyweight champion Sonny Boy Jaro sa Games and Amusement Board (GAB) na suportahan ang mga boksingerong Pilipino na biglang nawawala o dumadausdos sa world rankings kahit hindi natatalo sa laban.

Inihalimbawa ni Jaro ang kanyang sitwasyon na dating WBC No. 4 at kung ilang beses ng inihayag na hahamon kay WBC super flyweight champion Carlos Cuadras pero iniwasan na ng Mexican na humarap sa mga pipitsuging kalaban.

“Ilang beses ng inihayag sa BocRec.com na hahamunin ko si Cuadras pero iba ang nilalabanan niya,” ani Jaro. “At kahit patuloy akong nananalo, bumabagsak ang rankings ko sa WBC kaya No. 7 na lamang ako ngayon. Sana naman, tulungan ng GAB ang mga Pinoy boxer, masyado kaming dehado sa world rankings.”

Inihalimbawa niya ang kaso ni dating WBO super flyweight champion Marvin Sonsona na biglang naglaho sa WBC rankings matapos magreklamo ang manager nito sa paglabag sa kontrata.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Dahil dito, nanawagan ako kay eight-division world titlist Manny Pacquiao na umaksiyon para magkaroon ng Philippine Boxing Commission (PBC) na hiwalay sa GAB para matutukan ang professional boxing na kahit paano ay nagsasampa ng malaking pera para sa Pilipinas,” diin ni Jaro na lalaban sa Hapones na si Yusuke Suziki sa Enero 20 sa Tokyo.

“Siguro kung magkakaroon ng PBC, hindi na mauulit ang nangyari kay dating WBC featherweight champion Luisito Espinosa na hanggang ngayon ay hindi pa nakukuha ang premyo sa depensang ginanap sa ating bansa,” dagdag ni Jaro “At siguro mandatory contender na ako kasi may walong sunod na panalo na ako, anim sa knockouts.” (gilbert espeña)