Tila mawawalang saysay ang paghihirap at pagbibigay karangalan sa bansa ng ilang differenty-abled athletes na kabilang sa pambansang delegasyon na sumabak sa 8th ASEAN ParaGames sa Singapore dahil posibleng hindi nila makamit ang insentibo mula sa Republic Act 10699 o Athlete’s Incentive Law.

Ito ang napag-alaman mismo ng Balita kay Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richie Garcia bunga ng teknikalidad sa nakatakdang implementasyon ng batas na inaprubahan ng Senado at Kongreso bago naging batas matapos pirmahan ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III nito lamang nakaraang Nobyembre 13, 2015.

“May process kasi na sinusunod na kailangan pa na i-published muna sa diyaryo ang nasabing batas for a period of 15 to 30 days, and then kung walang disagreement ay saka lamang maipatutupad,” paliwanag ni Garcia. “The ParaGames was held December 3 to 9 so may natamaan na araw bago tuluyang naging batas technically.”

Ilan sa maapektuhan ng teknikalidad ay ang mga atletang nagwagi ng medalya sa unang dalawang araw ng torneo.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ipinaliwanag pa ni Garcia na magmumula sa PAGCOR o Philippine Amusement and Gaming Corporation ang pondo na ipamimigay para sa mga nagwaging differently-abled athletes kung saan nakasaad sa batas na iuuwi ng nagwagi ng gintong medalya ang P150,000, ang pilak ay may P75,000 at ang tanso ay P30,000.

“I just hope na sana naman ay bigyan nila ng consideration ang mga atleta natin na hindi naabot ng implementation ng bagong batas,” sabi pa ni Garcia.

Kabuuang 58 medalya na binubuo ng 16 na ginto, 17 pilak at 25 tanso ang iuuwi naman ng 68 kataong delegasyon ng Pilipinas na mula sa PHILSpada o Philippine Sports Association for the Differently Abled—National Paralympic Committee of the Philippines (PhilSPADA-NPC Philippines).

Nangunguna dito ang chess na may 6-6-2=14 (ginto-pilak-tanso at total medal), athletics (5-3-9=17), powerlifting (1-0-1=2), sailing (0-2-1=3), swimming (3-2-1=6), table tennis (1-1-7=9), tenpin bowling (0-3-3=6) at ang wheel chair basketball na may 5-on-5 at 3x3 (0-0-2=2). (ANGIE OREDO)