Sa muling pagbubukas ng aksiyon ng Philippine Super Liga (PSL) Invitational Cup sa darating na Pebrero ay hindi muna makapaglalaro para sa Petron ang isa sa kanilang ace hitter na si Dindin Santiago-Manabat.

Nagpaalam na sa koponan si Manabat at ibinalita nito ang kanyang pagbubuntis na nasa ikatlong linggo na bago pa man matapos ang PSL Grand Prix noong nakaraang linggo.

Ayon kay Petron coach George Pascua, pinaghalong maganda at masamang balita ang isiniwalat ni Manabat, ito ay ang kanyang pagdadalang-tao at ang pansamantalang pamamahinga sa paglalaro.

Hindi naman umano talagang masamang balita, ngunit kinakailangan nila ngayong humanap ng magpupuno sa puwestong mababakante ng 23-anyos na dating National University(NU) top middle blocker na ngayon ay maybahay na ng dating NU Bulldog at kasalukuyang assistant coach na si Chico Manabat.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Masayang-malungkot. Masaya kami para kay Dindin kasi siyempre blessing ‘yun para sa kanilang mag-asawa, at natural malungkot kasi mawawala sya, mami-miss namin sya,” ani Pascua na nagsabing isa si Manabat sa mga manlalarong lubhang dedikado at napakasipag pagdating sa ensayo at sa laro.

Kaugnay nito, hindi na kasama si Manabat sa isusumite ng Petron sa kanilang protect 10 list na kailangang maibigay nila sa PSL bago mag-Enero 15, 2016. (Marivic Awitan)