Si Senator Alan Peter Cayetano ang napipisil ng pinakamaraming botante na makakapagpabago pa sa kanilang isip tungkol sa kanilang mamanukin sa anim na vice presidential candidate, base resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS).

Ang survey ay isinagawa noong Nobyembre 26-28 at sinagot ng 1,200 respondent mula sa buong bansa.

Ito ay bahagi ng survey na “SWS November 2015 Survey on Voter Preferences (Project ROD 11-15)” na kinomisyon ni William Lina, isang negosyante mula Davao City.

Saklaw din ng naturang survey ang voter preference sa 2016 presidential race, na pinangunahan ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nakakuha si Cayetano, running mate ni Duterte, ng pinamakataas na percentage of voters na siguradong magbabago pa ang kanilang desisyon hinggil sa anim na kandidato sa vice presidential derby habang papalapit ang eleksiyon.

Lumitaw sa survey na 23 porsiyento ng mga sumusuporta kay Cayetano ang nagsabing “siguradong magbabago” pa ang kanilang isip sa kung sino ang kanilang iboboto; 43 porsiyento ang “posibleng magbago”; walong porsiyento, “posibleng hindi magbabago”; at 27 porsiyeto, “siguradong hindi na magbabago.”

Tinanong ang mga respondent ng: “Ano po ang posibilidad na magbabago pa ang isip n’yo kung sino ang kandidatong iboboto n’yo bilang bise-presidente ng Pilipinas sa darating na halalan? Masasabi ba ninyo na ang pinili n’yo ay talagang magbabago pa, malamang na magbago pa, malamang na hindi na magbago, hindi na talaga magbabago?”

Sinundan si Cayetano ni Sen. Antonio Trillanes IV, na independent candidate sa posisyon ng VP.

Labinglimang porsiyento sa mga boboto kay Trillanes (limang porsiyento) ang nagsabing “siguradong magbabago pa ang kanilang isip”; 33 porsiyento, “posibleng magbago”; 12 porsiyento, “posibleng hindi na magbago”; at 40 porsiyento, “siguradong hindi na magbabago.”

Nakakuha ng single-digit percentage sa mga boboto kina Camarines Sur Rep. Leni Robredo, Sen. Francis Escudero, Sen. Gringo Honasan, at Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa nagsabing “siguradong magbabago pa ang kanilang isip” sa kanilang mamanukin sa VP post sa 2016. (MARY ANN SANTIAGO)