Hindi pa rin bumibitiw si Vice President Jejomar Binay sa isyu ng “balikbayan box”.

Ito ay matapos humirit ang standard bearer ng United Nationalist Alliance (UNA) na itaas ang tax exemption ceiling para sa balikbayan box ng mga overseas Filipino worker (OFW) mula sa kasalukuyang P10,000 ay magiging P150,000.

Itinuring ni Binay na hindi na makatotohanan ang P10,000 tax limit dahil ito ay sinimulang ipatupad ng gobyerno noong panahon pa ng “kopong-kopong.”

Aniya, ang naturang tax limit ay itinakda noon pang 1978 habang ang exchange rate ay nasa P7.37 sa kada isang dolyar.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Noong Agosto, inulan ng batikos ang Bureau of Customs (BoC) matapos ianunsiyo ng ahensiya na sisimulan na nitong buksan ang mga balikbayan box upang madetermina kung naglalaman ang mga ito ng smuggled items.

Sa teorya, lahat ng bagay na hihigit sa P10,000 ang halaga ay kinokonsiderang kontrabando dahil ang mga ito ay lagpas sa itinakdang tax limit.

“Kunwari may umuwing OFW at may dalang bagong laptop para sa anak niya. Wala naman sigurong de-kalidad at brand new na laptop o computer na P10,000 lang ang presyo. Kaya doon pa lang sa laptop, ubos na ‘yong exemption niya,” pahayag ni Binay.

Aniya, ang pagtataas sa tax exemption ceiling ay isang paraan lamang upang ipakita ng gobyerno na may malasakit ito sa mga OFW na nagbubuhos ng bilyun-bilyong piso sa ekonomiya ng bansa. (Ellson A. Quismorio)