Optimistiko si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richie Garcia na madadagdagan pa ang apat na pambansang atleta na mga lehitimong nakapagkuwalipika sa kani-kanilang sports sa gaganapin na 2016 Rio De Janeiro Summer Olympics sa Agosto 5 hanggang 20 sa Brazil.

Ito ay matapos kumpirmahin ng National Golf Association of the Philippines (NGAP) ang pagkakakuwalipika nina golfer Angelo Que sa men’s individual stroke play at Jennifer Rosales sa women’s division kay Garcia.

“That raised the number to four,” sabi ni Garcia, patungkol kina Que at Rosales, na makakasama sina Fil-American Eric Shauwn Cray na tatakbo sa event na 400m hurdles sa sports na athletics at ang ngayon ay 3-time Olympian na si Hidilyn Diaz na bubuhat sa women’s 53kg. division ng weightlifting.

“Diaz, with his three bronze medals in the World Championships which is a qualifying event to the Olympics, is in pero si Nestor Colonia has to go through two more events para mamaintain niya ang slot niya sa Top 10 for him to qualify,” sabi pa ni Garcia.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“We are expecting maybe 10, or more, depende pa doon sa team sports,” sabi ni Garcia patungkol naman sa Gilas Pilipinas na magtatangkang makatuntong sa unang pagkakataon sa Olympics kung magagawa nitong magwagi at tanghaling kampeon sa isa sa isasagawa na tatlong qualifying event sa sports na basketball.

Dismayado naman ito sa BMX Cycling, archery at boxing.

“My worry now is boxing, which has been our primary source of possible chances in the Olympics,” sabi ni Garcia.

“Until now, wala pa rin tayong qualified at baka first time natin na wala tayong entry. I’ve been worried for quite a while now lalo na doon sa sinalihan nilang AIBA Pro at kahit na may tatlong event pa na sasalihan,” sabi nito.

Hindi din ito nakakuha ng anumang ulat hinggil sa paghahanda at pagsasanay ni Asian Games BMX gold medalist na si Daniel Caluag habang patuloy na naghihintay pa rin sa magiging tsansa ng athletics.

“Wala man lamang kaming report kay Caluag and iyung babaeng BMX riders still had to join a lot of qualifying event pa rin. We are still talking to Cray who are trying to squeeze in some details on his training,” sabi ni Garcia.

Inaasahan naman na makapagdadagdag ng representante ang Taekwondo na marami ang inaasahang makapapasok sa gagawin na torneo sa Abril.

Kinapos din ang Canoe Kayak na makapagpakuwalipika ng atleta matapos na pangpito lamang si SEA Games bronze medalist Hermie Macaranas sa ginanap na World Championships. Tanging ang top 5 lamang ang agad na makakasama para sa disiplina. (ANGIE OREDO)