Nag-abiso ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na asahan na ang pagdami ng checkpoint pagsapit ng Simbang Gabi at hiniling na makipagtulungan sa mga awtoridad.
Nagdagdag ang PNP ng 400 pulis sa contingent ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na ikakalat sa Metro Manila sa pagsisimula ng Simbang Gabi sa susunod na linggo.
Ayon kay PNP chief, Police Director General Ricardo Marquez, itatalaga ang mga karagdagang pulis sa paligid ng malalaking simbahan sa Metro Manila.
Ayon pa kay Marquez, nakapaloob sa “Oplan Ligtas sa Paskuhan” ang bahagi ng paghahanda ng PNP para sa Simbang Gabi na magsisimula sa Disyembre 16.
Sinabi ni Marquez, na bagaman kapansin-pansin na ang presensiya ng maraming pulis sa mga kalsada, kailangan pang madagdagan ito pagsapit ng Simbang Gabi sa pagdagsa ng mga Katoliko sa mga simbahan.
Tiniyak din ni Marquez ang presensiya ng mga pulis sa matataong pamilihan tulad ng Divisoria, Baclaran, paligid ng mga mall at iba pang pamilihan.
Sinabi ng PNP chief na mananatili sa heightened alert ang pulisya at diskarte na ng mga regional official kung magtataas ng full alert status, depende sa sitwasyon ng peace and order sa kanilang mga nasasakupang lugar.
(FER TABOY)