Pinakaunang makatikim sa pagpapatupad ng kapapasa pa lamang na bagong batas na Athlete’s Incentive Law na itinaguyod ni Senador Sonny Angara ang delegasyon ng differently-abled athletes na inirepresenta ang Pilipinas sa katatapos lamang na 8th ASEAN ParaGames sa Singapore.

Ito ay matapos na mag-uwi ng kabuuang 16 ginto, 17 pilak at 25 tanso para sa pangkalahatang 58 medalya ang 68 kataong delegasyon ng Pilipinas na mula sa PHILSpada o Philippine Sports Association for the Differently Abled—National Paralympic Committee of the Philippines (PhilSPADA-NPC Philippines).

Base sa pinirmahan ni Pangulong Benigno Aquino III na Republic Act 10699, na tumabon sa dating RA 9064 o ang National Athletes, Coaches and Trainers Benefits and Incentives Act of 2001 nito lamang November 13, 2015 ay tatanggap ang mag-uuwi ng gintong medalya na P150,000 cash, P75,000 sa pilak at P30,000 para sa tanso.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Dati, walang natatanggap na insentibo ang mga pambansang atleta sa kanilang paglahok sa internasyonal na torneo kung saan umaasa lamang sila sa magiging desisyon ng Philippine Sports Commission (PSC) Board kung bibigyan sila ng insentibo sa pagbibigay karangalan sa bansa.

Tanging pinakamataas na nakuha ng isang differently-abled athlete ay P15,000 para sa ginto, P10,000 para sa pilak at P5,000 para sa tanso bago na lamang ngayong taon matapos na matagumpay na maisulong ng Senado at Kongreso ang bagong batas na nagbibigay ng mas mataas na insentibo.

Natapos sa pangkalahatang ikaanim na puwesto ang delegasyon sa 10 bansa na 8th ASEAN ParaGames.

Nakapag-uwi ng mga medala sa archery (0), athletics (5-3-9=17), badminton (0), boccia (0), cerebral palsy football (0), chess (6-6-2=14), football 5-A-side (0), goalball (0), powerlifting (1- 0-1=2), sailing (0-2-1=3), shooting (0), swimming (3-2-1=6), table tennis (1-1-7=9), tenpin bowling (0-3-3=6) at wheel chair basketball (0-0-1=1).

(Angie Oredo)