MAYROONG puntiryang petsa na Disyembre 16 para aprubahan ng Senado at Kamara de Representantes ang Bangsamoro Basic Law (BBL). Ipapasa ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang panukalang magtatatag sa Bangsamoro Autonomous Region (BAR) na papalit sa kasalukuyang Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) bago ang bakasyon sa Pasko.
Mistulang imposibleng maisakatuparan ang target na petsa. Ilang beses nang nabigo ang Kamara na magkaroon ng quorum sa bawat pagkakataong itinatakda ang pagtalakay sa BBL. Sa Senado, ang orihinal na inihaing BBL ay isinantabi at ang kapalit na panukalang inihain ni Sen. Ferdinand Marcos, Jr. ang tinatalakay sa Senado.
Sa pagsisikap na himukin ang Kamara na aprubahan ang panukala, isang grupo na tinatawag na Bangsamoro Para sa Bayan, Para sa Lahat (BBPL) Coalition ang naghain noong nakaraang linggo ng reklamo sa Ombudsman, at hiniling ditong kasuhan ang mga kongresista na madalas na lumiliban sa mga sesyon sa nakalipas na apat na buwan. Gayunman, mistulang imposibleng maisakatuparan nila ang kanilang isinusulong dahil walang kapangyarihan ang Ombudsman na makialam sa anumang paraan sa proseso ng paglikha ng batas.
Kailangan ng Kamara ang quorum ng 145, ngunit karaniwan nang hindi pa aabot sa 50 ang sumisipot sa session hall.
Tumatanggi naman si Speaker Feliciano Belmonte, Jr. sa kahilingang magdaos ng sesyon kahit na walang quorum. Ang resulta nito, ilang panukala, kabilang ang Salary Standardization Law, ang nananatiling hindi naaaprubahan sa ikatlong pagbasa nito. Kahit na magkaroon ng quorum, tiyak nang mahaharap ang BBL sa matinding oposisyon; may pitong kongresista ang nagsabing kokontrahin nila sa sesyon ang mga nagsusulong ng panukala.
Sinisisi naman ng isang convenor ng BBPL Coalition ang maagang pangangampanya sa madalas na pagliban ng mga mambabatas; karamihan sa mga miyembro ng Kamara ay nangangampanya na para sa re-election. Gayunman, mismong ang BBL marahil ang sanhi ng problema sa kawalan ng quorum. Ang panukala ay nakaugnay sa Mamasapano massacre na 44 na Special Action Force commando ang napatay sa pakikipaglaban sa mga lokal na armadong grupo, kabilang ang Moro Islamic Liberation Front (MILF), ang pangunahing may-akda ng BBL, katuwang ang Malacanang.
Nagpatawag nitong Martes ang Malacanang ng pulong sa mga kongresista sa hayagang pag-apela upang maaprubahan na ng Kamara ang panukala. Kahit na bumigay ang mga miyembro ng Kamara sa pakiusap ng Malacanang, nariyan pa rin ang Senado na labis ang pagtutol sa orihinal na panukalang BBL, at hindi inaasahang magbabago ang posisyon kahit pa ang mga senador naman ang pulungin ng Malacanang.
Kaya naman mananatili ang kasalukuyang estado ng kawalang katiyakan ng BBL. Umaasa si Pangulong Aquino na kalaunan ay maaaprubahan din ito, posibleng pagkatapos ng kanyang termino, ng susunod na Kongreso, pagkatapos ng ilang pag-amyenda upang alisin ang anumang pagdududang Konstitusyunal para maging mas katanggap-tanggap ito sa mamamayan.
Sa harap ng kasalukuyang sitwasyon, ito na ang pinakamainam na asahan natin.