IPINAGDIRIWANG ang National Youth Health Day tuwing Disyembre 10 upang bigyang-diin ang mga programang tumutugon sa kalusugan, nutrisyon, at kabutihan ng kabataang Pilipino, partikular na sa mga usaping nauugnay sa paraan ng pamumuhay, gaya ng pag-abuso ng ilegal na droga at paninigarilyo. Ang lagay ng kalusugan ng kabataan, kabilang ang naipagkakaloob na primary at tertiary care services, ang nakatutulong upang maiwasan, matukoy, at malunasan ang anumang makaaapekto sa kabutihang pisikal ng kabataan.
Pinalalakas ng Department of Health (DoH) ang inter-sectoral partnership nito sa mga organisasyong medical at pang-kabataan, gaya ng National Youth Commission at ng mga non-government group na tulad ng Volunteer Youth Leaders for Health-Philippines. Sa Republic Act 8044, o ang Youth in Nation-Building Act, tinutukoy ang kabataan sa Pilipinas ang mga nasa edad 15-30.
Ipinatutupad ng DoH ang Universal Health Care o “Kalusugan Pangkalahatan”, na nagkakaloob sa bawat Pilipino ng “the highest possible quality of healthcare that is accessible, efficient, equitably distributed, adequately funded, fairly financed, and appropriately used by informed and empowered public.” Mandato nitong tiyakin na ang lahat ng Pilipino, partikular ang sektor ng nangangailangan (mga bata, buntis, matanda, may sakit, at may kapansanan), ay tatanggap ng abot-kaya at de-kalidad na benepisyong pangkalusugan, sa pagkakaloob sa kanila ng mga nangangalaga sa kalusugan, mga pasilidad, at pondo. Kapag alam ng kabataan na may malasakit ang gobyerno at ang iba pang sektor sa kanilang kabutihan, nagiging produktibo sila at nagiging aktibong katuwang sa pagpapaunlad sa bansa.
Ang pagkakaroon ng malusog na pamumuhay—pagkain nang wasto, kalusugang pisikal, at kalinisan sa katawan—at pagpapatupad ng mga kinakailangang hakbangin upang maprotektahan ang kabataan mula sa mga panganib na pangkalusugan ay mahalaga upang maiwasan ang mga problemang pangkalusugan sa pagtanda. Nanganganib ang kabataan sa malnutrisyon, problema sa ngipin, hirap sa pagtulog, suliranin sa kalinisan, at mga bisyong gaya ng paninigarilyo, pag-inom ng alak, at pagsusugal, dahil sa mga usaping pangkalusugan at panglipunan, aktuwal na kakayahan ng komunidad, at kaugalian sa pagiging malusog. Ang mga anak ng mahihirap na pamilya ay partikular na nanganganib dahil sa kawalan ng masusustansiyang pagkain, hindi pagkakaroon ng sapat na aruga, pagiging hindi malusog sa pagbubuntis at pagpapasuso, kawalan ng pagkakataon sa serbisyong pangkalusugan, at kawalan ng kalinisan.
Nagpapatupad ang World Health Organization-Western Pacific region, na sumasaklaw sa Pilipinas, ng mga hakbangin upang isulong ang maayos na development ng kabataan at mabawasan ang pagkamatay sa rehiyon. Determinado ang Pilipinas na: kilalanin ang kabataan bilang “vulnerable” at “group in need”, tugunan ang mga usaping napatunayan nang umiiral, tukuyin ang mga socio-cultural perspective, itaguyod ang mga makabagong mekanismo upang matulungan ang lahat ng kabataan, hikayatin ang pagtutulungan, at mag-monitor at magsuri ng mga programa.
Ang Adolescent Health and Youth Development Program ng bansa ay itinatag noong 2001 ng DoH upang maging bahagi ng pangkalahatang health care system. Nakabatay sa mga lokal at pandaigdigang batas at polisiya, puntirya ng programa ang kabataang edad 10-24, para mapagkalooban sila ng komprehensibong mga panuntunan para sa pangangalaga at serbisyong pangkalusugan ng kabataan sa iba’t ibang antas—pambansa, pang-rehiyon, panglalawigan, panglungsod, at pang-munisipalidad—upang matugunan ang pagkakaroon ng kapansanan, kalusugan ng kaisipan at ng kalikasan, reproductive health, at pag-iwas sa karahasan.