Nasa P123 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa mahigpit na kampanyang “Oplan Lambat-Sibat” laban sa ipinagbabawal ng droga at kriminalidad sa Metro Manila, iniulat kahapon ni PDIR Joel Pagdilao.

Sa report ni Pagdilao, umabot sa 97 drug personalities ang naaresto ng mga operatiba ng Regional Anti–Illegal Drugs Special Operation Task Group (RAIDSOTG) sa Metro Manila sa pamumuno ni P/Supt. Roberto Razon at sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Nakuha sa mga naarestong sangkot sa iligal na droga ang kabuuang 25.1 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P123 milyon at tatlong sasakyan na may kargang mga drug paraphernalia.

Patuloy ang kampanya ng Oplan Lambat-Sibat ng Philippine National Police (PNP) laban sa kriminalidad sa buong bansa na “one time bigtime” ang operasyon ng NCRPO sa loob ng apat na buwan, mula Hulyo hanggang Nobyembre 2015.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Kasabay nito, nagpalabas ng kautusan si Pagdilao sa RAIDSOTG hinggil sa patuloy na kampanya laban sa iligal na droga lalo na ngayong nalalapit ang Pasko.

Umapela rin ang NCRPO sa Local Government Units (LGU) sa pakikipag-ugnayan sa Barangay Anti-Illegal Drug Abuse Council (BADAC) gayundin sa PDEA, Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Education (DepEd), at iba pang ahensiya ng pamahalaan para mahuli ang illegal drug trader, pusher at user. (Jun Fabon)