Patuloy pa rin ang pagliliyab ng Golden State Warriors na sumandig sa tila nag-aapoy na kamay ni Klay Thompson at tila walang pagkakamali sa paglalaro sa unang tatlong yugto upang panatiliin ang perpekto nitong rekord 23-0, panalo-talo.
Nagtala si Thompson ng kanyang season-high 39-puntos habang ang kasalukuyang MVP na si Stephen Curry ay halos nakamit ang triple-double upang itulak ang Warriors na iangat pa ang winning streak sa kabuuang 23-0 sa pagbigo sa Indiana Pacers, 131-123.
Tanging inalagaan na lamang ng Warriors ang huling 12-minuto sa ikaapat na yugto kung saan nagtangka ang Pacers na magsagawa ng pagbabalik upang protektahan ang hangad nitong perpektong rekord.
‘’We’ve got to handle the end of the game better. We had a double-digit lead. You don’t ever want to have to win the game twice or even three times,’’ sab ni Curry. ‘’You want to make things as easy as possible when you have a night like we did for 36 minutes.’’
Halos pinagaan lamang ng defending NBA champion ang laban sa kinukonsidera na nitong milestone season.
Nagawa ng Warriors na itala ang diretsong 27 panalo sapul pa noong huling kumperensiya upang pantayan ang itinala ng 2012-13 Miami Heat na ikalawang pinakamahabang panalo sa kasaysayan ng NBA.
Hawak ng 1971-72 Lakers ang pinakamahabang rekord sa pagwawagi sa 33 sunod-sunod na panalo.
Nagawa din ng Golden State ang 13 sunod na pagwawagi sa pagbisita sa kalaban, upang lampasan ang 1969-70 Knicks para sa pikamagandang pagsisimula sa road game ng liga.
Nag-ambag naman si Curry, na siyang leading scorer ng liga, na may 29-puntos, 10 assist, pitong rebound at tatlong 3-pointers, upang pantayan si Rashard Lewis sa NBA rekord na 87 sunod na road games na may naitala na isang basket mula sa labas ng arko.
Inihulog din ni Thompson ang 10 for 16 sa 3-point area kung saan agad itong nagpakitang gilas sa matinding unang hati sa pag-iskor ng 29-puntos sa pagpasok ng 8 of 10 mula sa tres na naging susi sa 22-0 run na agad nagtulak sa Indiana upang maghabol sa kabuuan ng gabi.
‘’It was one of those nights where I got a lot of great looks. Going in I felt great,’’ sabi ni Thompson. ‘’I felt like I was due for a game like that.’’
Itinala ng Golden State ang 50-28 abante sa ikalawang yugto bago iniangat pa ang kalamangan sa 32- puntos sa ikatlong yugto. Sinimulan nito ang ikaapat na yugto na may 28-puntos na abante at hawak ang 21 lamang sa huling 7:11 ng laro.
Samantala, umiskor si Lebron James ng 33-puntos upang pamunuan ang Cavs na talunin ang Portland Trail Blazers, 105-100 habang nagtala din si Kevin Durant ng 32 para sa Oklahoma City Thunder na talunin ang Memphis Grizzlies, 125-88. (ANGIE OREDO)