Nakipagpulong si Pangulong Aquino noong Martes sa mga mambabatas sa Malacañang para sa huling hirit na ipasa ang Bangsamoro Basic Law (BBL) bago magtapos ang kanyang termino.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Hermino Coloma, Jr., pinamunuan nina Speaker Feliciano Belmonte Jr., at House Majority Leader Neptali Gonzales II ang House delegation, habang kasama ng Pangulo ang mga miyembro ng Cabinet sa pamumuno ni Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr.

Sinabi ni Coloma na sa nasabing pagpupulong ay nanawagan si Pangulong Aquino sa mga miyembro ng House of Representatives na “seize the historic opportunity” para pagtibayin ang BBL at mailatag ang mga pundasyon sa pangmatagalang kapayapaan.

Sinabi ni Coloma na binigyang-diin ni Pangulong Aquino ang kahalagahan ng pagpasa ng BBL “in view of the increased threats posed by global terrorism and radicalization.”

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Sa pagsusulong ng BBL, ibinahagi ni Coloma na sinabihan ni Panglong Aquino ang mga mambabatas na ang panukalang BBL “offers the prospects for significant and meaningful change especially in terms of giving all stakeholders an opportunity to participate in the democratic process,” binanggit ang mga tagumpay na nakamit ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa paghihikayat ng mga bagong mamumuhunan na umabot sa P9.8 billion simula 2011 hanggang 2014.

Binigyang-diin din umano ng Pangulo ang pag-uusap nila nina Italian President Pietro Parolin, Vatican Secretary of State sa kanyang biyahe kamakailan sa Italy, kung saan tinanong ang Pangulo kung paano nagtagumpay ang gobyerno ng Pilipinas sa pagtatamo ng kasunduan sa Bangsamoro.

Magugunita na sinuspinde ng mga mambabatas ang mga pagdinig at pagtalakay sa BBL nitong unang bahagi ng taon kasunod ng pagpatay sa 44 Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) commando sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25. (MADEL SABATER NAMIT)