Tila hindi pa din mapalampas ni former five-division world champion Nonito Donaire, Jr., ang kaniyang dikit na 12-round loss kay cuban boxer Guillermo Rigondeaux.
Ayon kay Donaire, isa si Rigondeaux sa mga gusto niyang makalaban sakali man na makalusot ang Filipino Flash sa 12-round superbantamweight bout nito kontra mexican Cesar Juarez ngayong Sabado sa San Juan, Puerto Rico.
Nakalasap ng masaklap na 12-round decision loss si Donaire kay Rigondeaux noong April 2013 sa New York kung saan naagaw naman ang WBA crown ng Fil-am boxer.
“For me he bested me once. I want to do it again with the rematch and prove myself na mas magaling. But again kahit sinong world champion dyan I’m willing to fight,” ani Donaire.
Hindi naman alintana ni Donaire kahit na mainit ang pagtuligsa sa Cuban boxer dahil sa sinasabing boring style nito.
Nitong nakaraang buwan lamang sa Las Vegas ay pinaulanan ng batikos si Rigondeaux matapos na takbuhan lamang nito sa kabuuan ng kaniyang 10-round decision win ang isa pang Filipino boxer na si Drian Francisco.
Kahit na nahubaran ng WBO si Rigondeaux bilang superbantamweight champion ay hindi pa din maikakaila ang husay nito dahil na din sa undefeated pa din ito sa 16 fights, 10 dito ay natapos ng knockout.
“One of my goals now is to fight the best out there and be 100% ready against anyone. Rigondeaux is one of those fights that I want to get,” pahayag ni Donaire.
Sa ngayon ay tututok muna si Donaire sa darating na laban nito kontra Juarez na top-rated superbantamweight contender ng World Boxing Organization.
Samantala, inaasikaso naman ng manager ni Donaire na si Cameron Dunkin na na payagan sila ng WBO na paglabanan nina Juarez at Donaire ang bakanteng titulo na dating hawak ni Rigondeaux. (DENNIS PRINCIPE)