DAVAO CITY — Sinabi ni presidential hopeful at Davao City Mayor Rodrigo Duterte na ang pagkakaroon ng trabaho para sa mga Pilipino ang kanyang pangunahing tututukan kapag nahalal siya sa pinakamataas na posisyon sa bansa sa halalan 2016.
Dumalo si Duterte, kasama si vice-presidential bet Senator Allan Peter Cayetano sa pagtitipon at Christmas party ng halos 3,000 miyembro ng Persons with Disabilities (PWDs) at kanilang mga pamilya sa Almendras Gymnasium nitong Lunes, Disyembre 7.
Ngunit nagbabala rin si Duterte na hindi niya papayagan ang contractualization ng mga manggagawa na aniya ay nakasanayan na sa labor sector ng lipunan ng Pilipinas.
“Kaning contractualization is the usual practice today kay inig abot og 6 months ma permanent na man gud. Unya mohatag na sila sa Christmas bonus ug uban pang benepisyo (Ang contractualization na ito ay nagiging usual practice na sa kasalukuyan dahil ang isang manggagawa ay dapat na permanente na matapos ang anim na buwan. Kaya’t maoobliga na silang magbigay ng Christmas bonus at iba pang mga benepisyo),” ani Duterte.
“Dili ni pwede sa ako og akoy mapresidente (Hindi na ito pwede kapag ako ang naging presidente),” diin ni Duterte, idinagdag na wala siyang pakialam kung ang gawing permanente ang mga manggagawa matapos ang anim na buwan ay mangangahulugan ng mas maraming gastos para sa mga negosyante.
Pagkatapos ang anim na buwan, sinabi ni Duterte na ang mga manggagawa sa bansa ay kailangan na maging permanente at gagawin niya ito sa oras na siya ay maging pangulo.
Ang contractualization, dagdag niya “is an anti-Filipino policy” at ang mga ayaw sa kanyang polisiya sa paggawa ay dapat na umalis sa bansa sa panahon ng kanyang termino.
Nilinaw ni Duterte na ang kanyang polisiya sa paggawa ay maaaring ituring na “leftist” ng ibang sektor ng lipunang Pilipino at aminado siya na siya ay “makakaliwa.”
“Ako left gyud ko pero dili ko komunista. Dili ko maulaw ako mingon left (Makakaliwa talaga ako pero hindi ako komunista. Hindi ako nahihiyang umamin na ako ay makakaliwa).”
Binigyang diin rin niya na puspusan siyang magtatrabaho para mabura ang graft and corruption, droga at kriminalidad sa ilalim ng kanyang administrasyon.