Dahil sa 22-anyos na babae na isang special child, nadakip ng mga pulis ang isang ginang na miyembro umano ng “budol-budol” gang sa Valenzuela City, noong Martes ng umaga.

Swindling at estafa ang kinakaharap na kaso ni Cristina Alieger, 41, ng No. 14-A, Pudue Street, Cubao, Quezon City.

Ayon kay SPO2 Lorena Hernandez, officer-in-charge ng Women’s and Children Protection Desk (WCPD) ng Valenzuela Police, unang biniktima ng suspek si Collette Aliling, 14, ng Sitio Kabatuhan, Gen. T. De Leon, Valenzuela City.

Kuwento ni Aliling, dakong 9:00 ng umaga, naghatid siya ng pagkain sa kanyang kapatid sa St. Bernadette College of Valenzuela sa Gen. T. De Leon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nilapitan siya ni Alieger at nakisuyo na magpasukat ng gown sa tailoring shop na malapit sa nasabing paaralan.

Habang sinusukatan ang dalagita, hiniram nito ang cellphone ng una at sinabing tatawagan ang anak hanggang sa nawala na lang ito sa paningin ng biktima at tangay na ang kanyang cellphone.

Bandang alas-11:00 ng tanghali, biniktima naman ni Alieger ang special child na si Jhomnel An Cereno, 22, ng Arbor Town, Barangay Karuhatan, Valenzuela City.

Kinausap umano at nilibang ng suspek si Cereno at ng malingat ay kinuha nito ang bag ng huli, pero hindi ito nagpaloko at hinabol niya ang babae.

Tiyempo namang parating ang mga pulis ng Police Community Precinct (PCP) 2 at inaresto ang suspek. (Orly L. Barcala)