NANGIBABAW ang habag at malasakit nang payagan ng Supreme Court (SC) si dating Presidente Gloria Macapagal Arroyo na makauwi sa kanilang tahanan sa nalalapit na Pasko at Bagong Taon. Isa itong makataong desisyon lalo na kung isasaalang-alang ang kanyang nakababahalang karamdaman; matagal na siyang naka-hospital arrest sa Veterans Memorial and Medical Center (VMMC) kaugnay sa kasong pandarambong.

Mapagmalasakit din ang aksiyon ng SC nang pansamantalang ipatigil sa Sandigan Bayan (SB) ang paglilitis sa iba pang kaso laban sa dating Pangulo. May kaugnayan naman ito sa kanyang kahilingang makapagpiyansa upang pansamantalang makalaya at makapagpagaling nang lubusan; at upang aktibong makatupad ng kanyang makabuluhang tungkulin bilang isang Kongresista.

Ang ganitong mga kaluwagan ay tiyak na aalmahan ng iba na nasa kalagayang katulad ng dating Presidente. Marami rin ang nakahabla – kabilang ang mga makabayan – na nakapiit habang nililitis ang kani-kanilang mga kaso. Natural lamang na sila ay mangimbulo at isigaw ang pagkakapantay-pantay.

Maging ang mga bilanggo sa iba’t ibang kulungan ay naghahangad ng habag at malasakit mula sa mga awtoridad. Ang mga presong matatanda at may mga karamdaman, halimbawa, ay hindi dapat balewalain. Sa pamamagitan ng executive clemency ni Presidente Aquino, ang mga bilanggong matatanda at may sakit ay karapat-dapat ding bigyan ng pagkakataon na makahalubilo ang lipunang dati nilang kinabibilangan. Naniniwala ang marami na sila ay nagbago na. Isa pa, halos napagdusahan na nila ang mga sentensiya sa kanilang mga pagkakasala. Napatunayan na ang kahalagahan ng bagong buhay habang nakapiit. Nais naman nilang danasin ang kaluwalhatian ng buhay sa piling ng kanilang mga pamilya, lalo na ngayong Pasko at Bagong Taon.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Totoo na ang nabanggit na mga hakbang ay nasasaklaw ng ating mga batas. Subalit hindi ba ipinahiwatig ng SC na may puso rin ang batas? Naniniwala rin kaya si Presidente Aquino na may puso nga ang mga batas? (CELO LAGMAY)