susan-roces copy

PARARANGALAN ng Directors Guild of the Philippines (DGPI) sa Ika-3 Gawad Direk sina Susan Roces, Peque Gallaga at Lore Reyes, Kidlat Tahimik, Romy Vitug, Ricky Lee at Mother Lily Monteverde.

Gaganapin ang parangal ngayong alas siyete ng gabi sa Shooting Gallery Studios, Makati City. Inaasahang dadalo ang lahat ng animnapu’t apat na miyembro ng DGPI dahil ang okasyon ay magsisilbi ring general assembly at eleksyon para sa mga bago nilang officers.

Ayon kay Joel Lamangan, ang kasalukuyang presidente ng DGPI, hindi naging madali sa kanila ang magparangal dahil sa kakulangang pinansyal. Magugunita na ang unang Gawad Direk noong 2003 ay 2006 na nasundan. At siyam na taon na ang lumipas bago naikasa ang Gawad Direk na isasagawa ngayong gabi.

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

Maliban sa kakulangan ng pondo, hindi rin naging madali ang pagpili ng mga gagawaran ng parangal. Mabusisi na sila sa pagtanggap ng mga nominado, masusi pa ang pagsaliksik at mga deliberasyon sa mga pararangalan.

Ang pahayag ni Direk Joel tungkol sa mga pararangalan, “Sila ‘yung mga nakakatulong sa industriya, nakakatulong sa mga tao sa industriya at dahil sa tagumpay ng kanilang mga karera, nagiging ehemplo ng mga gustong maging bahagi ng industriya natin.”

Anim na dekadang kinikilala si Susan Roces bilang Queen of Philippine movies at patuloy na napapanoop sa television.

Samantalang nakilala ang directorial tandem nina Peque Gallaga at Lore Reyes sa mga di-malilimutang horror-fantasy at drama movies. Si Kidlat ang sinasabing nagpasimula o inspirasyon ng paggawa ng independent films sa bansa.

Nakilala naman si Romy Vitug sa mga pinakamagagandang camera works niya sa pelikula, maraming parangal na rin ang natanggap ni Ricky Lee bilang scriptwriter. Kinikilala naman si Lily Monteverde sa mga pelikula nai-produce niya at sa pagbibigay ng mga trabaho sa film workers.

Idinagdag ni Joel Lamangan na binubuksan nila ang parangal sa iba’t ibang sining sa larangan ng paggawa ng pelikula.

Kung nagsimula sila na puro director ang kinikilala, ngayon ay maaari nang maging nominado ang iba pang nagtatrabaho sa likod ng kamera.

Sa kanyang pagtalikod bilang DGPI president, ipinahayag ni Lamangan na isa sa mga pangarap nila ang maging numero uno sa industriya.

“Isa sa mga pangarap naming kilalanin in a sense sa kakayahan namin hindi lang bilang mabuting tao pero magkaroon ng lakas ang organisasyong ito, para maipaglaban ang mga interes ng mga directors, ipaglaban ang interests ng industriya,” saad niya. “Sino ba ang industriyang ito kung wala ang mga manggagawa? Kung wala sila wala naman kami, kasama naming sila sa aming struggles, sa aming journey para isaayos ang lahat ng mga directors, ang lagay ng industriya, lagay ng mga manggagawa.”

Ipinaliwanag din niya na ang katayuan ng industriya ng pelikulang Pilipino ay repleksiyon ng katatayuan ng mga manggagawa sa ibaba.

Ang mga nauna nang nakatanggap na ng Gawad Direk Awards ay sina Emmanuel Borlaza, Luciano B. Carlos, Celso Ad Castillo, Ronwaldo Reyes (Fernando Poe, Jr.), National Artist Eddie Romero, Augusto “Totoy” Buenaventura, Eddie Garcia, Rodolfo V. Quizon (Dolphy), Gloria Romero, Rosa Rosal at Armida Siguion-Reyna.

Bukod kay Joel Lamangan, ang iba pang kasalukuyang opisyales ng DGPI ay sina Board Chairman Emmanuel Borlaza, Vice-President Mike Sandeja, Secretary Rica Arevalo, Treasurer Mac Alejandre, Chairman of the Membership Committee Ruel Bayani at Board Members sina Soxie Topacio, Cesar Apolinario, Paolo Villaluna, Ellen Ramos and Joyce Bernal.

(WALDEN SADIRI M. BELEN)