TALAGANG magulo at nakakalito ang pulitika sa Pilipinas. Hindi ba’t tuwing matatapos ang eleksiyon, walang kandidato na umaaming siya ay natalo dahil may dayaan umanong nangyayari.
Ang desisyon umano ng Commission on Elections (Comelec) 2nd Division na idiskuwalipika si Sen. Grace Poe sa pagtakbo bilang pangulo ay “flawed” o depektibo na ang layunin ay pigilan ang tsansa ni Sen. Grace na manalo sa 2016 presidential election. Siya ang laging nangunguna sa pambansang survey ng Social Weather Station at Pulse Asia.
Iyan ang paniniwala ng mga kandidatong senador na kabilang sa independiyenteng partido na Galing at Puso nina Sen. Poe at Sen. Chiz Escudero. Mananatili raw sila sa likuran ng Senadora at hindi siya pababayaan, ayon kina Rep. Sherwin Gatchalian, Edu Manzano, ex-Sen. Richard Gordon, lawyer Lorna Kapunan, Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, ex-Sen. Miguel Zubiri, Manila Vice Mayor Isko Moreno, ACT-CIS Party-List Rep. Samuel Pagdilao, Pasig City Rep. Roman Romulo, at OFW advocate Susan “Toots” Ople.
Sabi nga ni Isko Moreno na kung merong “tanim-bala” sa NAIA, gumagana rin ang “tanim-DQ (disqualification)” laban kay Poe na patuloy na nangunguna sa hanay ng mga presidentiable. Ang mga manananim o tagapagtanim daw ng DQ ay sina defeated senatorial bet Rizalito David, ex-Sen. Francisco Tatad, ex-GSIS lawyer Estrella Elamparo, ex-UE dean Amado Valdez at Prof. Contreras ng Ateneo.
Maging si PNoy ay umaming nalilito sa mga proseso na may kinalaman sa desisyon ng Second Division ng Comelec. Noong una, nagpahayag siyang dapat patakbuhin si Amazing Grace at hayaan ang taumbayan na magpasiya kung dapat siyang ihalal na presidente. Ngayon ay nag-aalangan na ang binatang Pangulo. Babala kaya ito sa Comelec na dapat ituloy ang DQ kay Grace?
Samantala, sinabi ni Sen. Grace Poe na kapag siya ay tuluyang idiniskuwalipika ng Comelec at hindi pinatakbo, ang tagumpay ng sino mang kandidato sa pagkapangulo ay maituturing na isang “winning by default” o “ampaw na tagumpay”.
Ano ang say ninyo Mar Roxas, VP Binay, Mayor Digong at Sen. Miriam? (BERT DE GUZMAN)