May reklamo ba kayo sa traffic sa Metro Manila?
Ineengganyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista na gamitin ang social media sa pag-uulat ng mga nakabalandrang sasakyan at iba pang nakaharang sa kalsada upang agad itong maresolba ng ahensiya.
Tatawaging “Netizens’ Watch,” sinabi ni MMDA Chairman Emerson Carlos na puntirya ng social media campaign na makakuha ng suporta mula sa pribado at pampublikong sektor sa pagtukoy sa lahat ng uri ng traffic obstruction sa mga lansangan sa Metro Manila.
Aniya, maaaring kumuha ng larawan ang isang netizen ng mga traffic obstruction tulad ng illegal vendor, basketball court, bilyaran, talyer at maging inabandonang road repair.
Sinabi ni Carlos na maaari itong ipaskil sa kanilang official Twitter account na “@MMDA.”
Maaari rin aniyang makipag-ugnayan sa MMDA Viber hotline 0906-1476975 upang ipaalam ang mga traffic obstruction.
“The report should include the name of the sender and the actual picture including the detailed location where the illegally parked vehicle or the obstruction was spotted and the time when it was taken,” pahayag ni Carlos.
Sinabi ni Carlos na epektibo na ang social media campaign kahapon.
Magsasagawa rin ng beripikasyon ang Twitter at Viber team ng MMDA sa mga ulat ng netizen bago isumite ang mga ito sa Traffic Discipline Office, na pinamumunuan ni Director Crisanto Saruca. (ANNA LIZA VILLAS-ALAVAREN)