ANG Disyembre 1-7 ng bawat taon ay National Exporters Week, alinsunod sa Proclamation 932 na inisyu noong 1996.

Pangungunahan ng Export Development Council (EDC), isang public-private partnership na itinatag ng Republic Act 7844 upang mapasigla ang paglalabas ng mga kalakal ng bansa kaugnay ng paglagong agro-industrial at ng potensiyal ng micro, small, at medium enterprises (MSMEs), ang selebrasyon ngayon 2015, na may temang “Enabling MSMEs for International Markets.”

Umaayuda ang Philippine Exporters Confederation, ang kaugnay na organisasyon ng mga Pilipinong exporter na accredited ng Export Development Act of 1994, sa gobyerno sa pagsasagawa ng mga aktibidad para sa National Exporters Week, na pangunahing tampok ang National Export Congress nitong Disyembre 3.

Tinatalakay ng mga “Usapang Exports” regional seminar ang mga usapin na nakaaapekto sa sector gaya ng transportasyon at logistics, financing, implikasyon ng trade policy, at ASEAN single window, gayundin ang mga inisyatibo ng pribadong sector upang tulungan ang mga exporter na mapanatili ang kanilang bentaheng kahusayan at makaagapay sa mabilis na nagbabagong kalakaran sa merkado. Ang 28th Buy Pinoy Exporters Fair, isang proyekto ng Buy Pinoy Movement, ay nagtatampok sa pagiging malikhain ng Filipino craftsmanship, sa pamamagitan ng napakaraming uri ng lokal na produktong pang-export.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kabilang sa mga pangunahing iniluluwas ng Pilipinas sa ibang bansa ang langis ng niyog, ginto, pinatuyong lamang-dagat, metal components, gamit sa bahay, woodcrafts at muwebles, fashion accessories, semiconductors, at computer accessories. Mga pangunahing export destination naman ang China, Japan, United States, Hong Kong, at Singapore.

Malaki ang naiaambag ng mga MSME sa pagsulong ng ekonomiya sa pamamagitan ng mga bagong produkto at proseso na inilulunsad sa merkado. Binubuo ng sektor ang 97% ng lahat ng negosyo at nagbibigay ng trabaho sa 50% ng kabuuan ng mga manggagawa sa mga ekonomiya sa Asia Pacific. Ang potensiyak ng MSME ang pangunahing paksa sa katatapos na Asia-Pacific Economic Cooperation meeting sa Maynila.

Sa Pilipinas, ang MSMEs ang bumubuo sa 99.6 na porsiyento ng mga nakarehistrong negosyo, nagbibigay ng trabaho sa 61% ng 3.8 milyong lokal na manggagawa. Sa 820,255 negosyo, 816,759 ang MSMEs habang ang 3,496 ay malalaking negosyo. Sa mga ito, 743,250 ay microenterprises, 70,222 ang maliliit na kumpanya, at 3,287 ang kumpanyang medium-sized. Nag-aambag din ang MSMEs ng 25 porsiyento sa kabuuang kita sa exports, at tinatayang 60 porsiyento ng mga Pinoy exporter ang kabilang sa katergorya ng MSME.

Pinag-aaralan ng Department of Trade and Industry at Department of Science and Technology ang mga umiiral na batas at lumilikha ng mga bagong polisiya upang tulungan ang mga MSME. Ginagamit ang pondo ng gobyerno upang maisakatuparan ang mga inisyatibong pinangungunahan ng pribadong sektor. Nagkakaloob din ng mga ayudang teknikal sa mga negosyanteng nais maglunsad ng tech startup at lumikha ng mas mabuting produkto at serbisyo. Hinihimok ng Republic Act 10667, ang Philippine Competition Act of 2015, ang mga negosyante na makipagsabayan sa mga leader ng merkado; tinitiyak nito ang patas na kompetisyon, ipinagbabawal ang pag-abuso ng mga cartel, ang pagtatakda ng presyo sa mga subasta o bidding, at sa mga merger at acquisitions na naglilimita sa kumpetisyon.