Umiskor si Kyle Lowry ng kabuuang 27-puntos habang nagdagdag si Terrence Ross ng 22 at si Bismack Biyombo ay nagtala ng career-high 15- puntos at 13 rebounds upang pigilan ang Toronto Raptors sa tatlong larong kabiguan sa pagpapataob nito sa Los Angeles Lakers sa 102-93 panalo nitong Lunes ng gabi.

Umangat ang Raptors sa 13-9 panalo-talong kartada habang nahulog ang Lakers sa 3-18 kartada.

Kinukonsidera na ang huling paglalaro sa NBA sa Air Canada Centre, nagtala si Kobe Bryant ng 8 of 16 para sa kanyang 21-puntos kung saan winalis ng Raptors ang kanilang season series kontra Lakers sa unang pagkakataon.

Pinalakpakan naman ang kada hawak ni Bryant ng bola sa buong laro kung saan ang natatangi nitong naihulog na 3-pointer ay sinabayan ng malakas na hiyawan sa ikaapat na yugto kung saan nagtatangka ang Lakers na umahon sa buong larong paghahabol.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Iniwan ni Bryant ang laro sa natitirang 24.6 segundo na sinalubong ng standing ovation.

Habang isinisigaw ang ‘’We want Kobe!’’ sa ikalawang yugto kung saan nakaupo si Bryant sa bench, umiskor naman si Lowry ng 16-puntos upang ibigay sa Toronto ang abante sa halftime na ikapitong beses nito sa loob ng 22 laro ngayong taon, 52-42.

Gayunman, bumalikwas ang Lakers sa paghulog ng 29-puntos sa ikatlong yugto upang itabla ang laban sa 71-all pagpasok ng huling 12-minuto.

Subalit, matapos ihulog ni D’Angelo Russell ang isang 3-pointer para sa Lakers na nagtabla sa laban sa 78, tuluyan nang inagaw ng Raptors ang abante tampok ang matinding one-handed dunk kay Ross sa huling 6:55 segundo.

Pinamunuan ni Ross, na naglaro sa una nitong first five sa season bilang kapalit ng injured na si DeMarre Carroll, ang Toronto sa unang yugto pa lamang sa 3 for 5 sa 3-point range para sa kabuuang 13-puntos. (ANGIE OREDO)