Inihayag ni Senadora Grace Poe na tumatakbong independent candidate sa pagkapangulo para sa Halalan 2016, na ang pagpasok ng unang batch ng Grade 12 sa susunod na pasukan ay “magbubukas ng oportunidad para sa mas eksperiyensiyado at higit na maraming bilang ng estudyanteng atleta sa nangungunang mga liga gaya ng UAAP at NCAA.
“Ang pagdagdag ng dalawang taon sa antas sekundarya (Grades 11 at 12) ay magdudulot ng malaking pagbabago sa nabanggit na mga liga pagdating sa kalidad ng kumpetisyon sa kanilang junior divisions,” ayon kay Poe.
Hindi pa kasama rito, ani Poe, ang bilang ng mga Filipino foreign athlete na gustong mag-aral ng high school sa bansa, lalo pa’t hindi na pahuhuli ang Pilipinas sa pandaigdigang pamantayan pagdating sa edukasyon.
“Kung titingnan, napakarami ng dayuhan ang nag-aaral ngayon ng kolehiyo sa iba’t ibang unibersidad at kolehiyo sa bansa. At sa pagpapatupad ng K-12 program, nakatitiyak tayo sa pagtaas din ng bilang ng dayuhang kabataan na gustong mag-aral dito ng high school,” sabi pa ni Poe.
Kaugnay nito, nauna ng hiniling ng mambabatas sa mga NCAA at UAAP school at maging ang iba pang kompetisyong sangkot ang iba’t- ibang paaralan na klaruhin ang antas ng kompetisyon sa kani-kanilang mga liga para maiwasan ang isyu hinggil sa eligibility ng manlalaro na maglaro sa naturang liga.
“Hindi naman imposible, kung hahatiin, halimbawa ng UAAP ang juniors competition nito sa junior at senior high school,” paliwanag ng senadora.
Hindi naman isinaisantabi ng senadora na dumaraan sa pagbabagong pisikal at sikolohikal ang mga batang atleta, sa pagitan ng mga edad 15 at 20 na posibleng makaapekto sa laro ng kani-kanilang koponan.
Sa kasalukuyang panuntunan ng mga collegiate league sa bansa, pinapayagan ng maglaro ang isang estudyante para sa kaniyang high school hanggang edad 18, sa kondisyong nananatili itong naka-enroll sa paaralang kanyang kinakatawan.
“Sa pagpasok ng Grade 12 seniors, dahil sa K-12 program, at karamihan sa kanila ay magdidisiotso sa 2016, pinapayuhan natin ang ating mga collegiate league na repasuhing muli ang kanilang mga patakaran sa eligibility ng mga manlalaro para makapaglaro sa junior level ng kompetisyon,” ayon pa sa senadora.
Ngunit sinabi din ni Poe na dapat ding maging maayos ang antas ng laro sa seniors level.
“Sa pagsisimula ng isang manlalaro ng kaniyang collegiate career sa edad 19, nakatitiyak tayo na makikinabang ang ating mga collegiate league sa bilang ng mga atletang may sapat na karanasan sa paglalaro,” sabi ni Poe.
(Marivic Awitan)