Mga laro ngayon
Cuneta Astrodome
4:15 pm Globalport vs.Meralco
7 pm NLEX vs. San Miguel Beer
Ikawalong panalo na maglalagay sa kanila sa ituktok ng standings ang puntirya ngayong gabi ng San Miguel Beer sa pagsagupa nila sa NLEX sa tampok na laban sa 2016 PBA Philippine Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Kasalukuyang kasalo ng defending champion Beermen ang Alaska Aces sa pangingibabaw hawak ang barahang 7-1, panalo- talo.
Ganap na ika-7 ng gabi ang kanilang pagtutuos ng Road Warriors matapos ang pambungad na laro sa pagitan ng Globalport at Meralco ganap na 4:15 ng hapon.
Tatangkain ng Batang Pier na patatagin ang kapit sa ikaapat na posisyon kung saan sila nakaluklok ngayon hawak ang barahang 5-3, panalo- talo, kasunod ng pumapangatlong Rain or Shine na may barahang 6-2,para sa target nilang “twice-to-beat advantage” papasok ng quarterfinals na kaakibat ng mga koponang sasaltang ikatlo at ika- apat sa pagtatapos ng eliminations.
“Target talaga ‘yung 3-4 para sa twice to beat. At least, ‘di na kami nawawala sa quarters ngayon. Medyo steady na ‘yung team, pero siyempre marami pa ring dapat ma- improve,” pahayag ni Globalport coach Pido Jarencio.
Manggagaling ang Batang Pier sa 96-90 panalo kontra NLEX noong Disyembre 2.
Sa panig naman ng ousted ng Meralco(1-8), hangad na lamang nito na maipanalo ang nalalabing laro para sa magandang exit ngayong first conference.
Sa Road Warriors, tatangkain nitong makabalik sa win column kasunod ng natamong huling kabiguan sa kamay ng Globalport upang makakalas sa kasalukuyang pagkakabuhol nila ng Barako Bull sa 6th spot hawak ang patas na barahang 4-4. (MARIVIC AWITAN)