Nagpakita ng puwersa ang mga taga-suporta ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte nang magtipun-tipon ang mga ito sa harapan ng punong tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Manila, nang personal na maghain ang alkalde ng kanyang certificate of candidacy (CoC) para sa 2016 presidential race.

Bagamat nagkakaisa na suportahan ang standard bearer ng PDP-Laban, nabuo naman ang dalawang paksiyon na nagkanya-kanya sa pagsusulong sa magiging bise presidente ng alkalde.

Ang mga supporter ni Duterte na sumusuporta kay vice presidential aspirant Senator Alan Peter Cayetano ay nakasuot ng pulang T-shirt. Matatandaan na si Cayetano ang pormal na idineklara ni Duterte bilang kanyang running mate sa eleksiyon.

Sumugod din sa Comelec office ang mga tagasuporta ni vice presidentiable Senador Bongbong Marcos na unang kinonsidera ni Duterte na kanyang ka-tandem.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Mistulang nagpapaligsahan din ang mga supporter sa pagsigaw ng pangalan ng kani-kanilang mga sinusuportahang vice presidentiable habang naghihintay sa pagdating ni Duterte sa Comelec.

Naniniwala ang mga tagasuporta ng Duterte-Cayetano tandem na sila ang maghahatid ng tunay na reporma sa bansa, habang ang mga supporter naman ng Duterte-Marcos ay naniniwalang ang kanilang mga kandidato ang mananalo sa eleksiyon.

Nabalot din ng tensiyon ang paligid ng Comelec nang magkainitan ang dalawang grupo nang ibalandra ang isang truck sa harapan ng mga tagasuporta ng Duterte-Marcos tandem. (MARY ANN SANTIAGO)