MAY dalawang petsa sa kalendaryo ng Commission on Elections (Comelec) na mahalaga para sa mga kandidato—partikular na para sa mga gustong maging susunod na pangulo ng bansa—sa eleksiyon sa susunod na taon.
Ang una—Disyembre 10, bukas—ay ang palugit sa pagpapalit ng kandidato, alinsunod sa Comelec Resolution No. 9984.
Kahapon, nagtungo si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa pangunahing tanggapan ng Comelec sa Intramuros, Maynila, upang tiyakin, aniya, na walang magiging balakid sa pagkandidato niya sa pagkapangulo.
Simula nang ihayag ni Duterte ang intensiyon niyang kumandidato sa pagkapresidente dalawag linggo na ang nakararaan—ilang linggo na ang nakalipas matapos ang huling araw ng paghahain ng presidential COCs noong Oktubre 18, marami nang magkakasalungat na opinyon ang lumutang kung maaari ba siyang humalili sa kapwa miyembro ng PDP na si Martin Dino, dahil bagamat gumamit si Dino ng opisyal na COC form para sa mga kandidato sa pagkapangulo, inilagay naman nito ang “mayor of Pasay City” sa espasyo para sa posisyong tinatakbuhan nito. Iyon ay isang “typographical error”, ayon sa ilan at dapat na magpatupad ang Comelec ng “substantial justice” kaysa literal interpretation sa pagpapasya sa usapin at pahintulutan na ang pagpapalit ng kandidato.
Isa pang kandidato sa pagkapangulo na wala pa ring katiyakan ang kandidatura ay si Sen. Grace Poe, matapos magdesisyon ang Second Division ng Comelec na hindi siya kuwalipikado para kumandidato sa pagkapresidente sa dalawang ground—kawalan ng “natural-born citizenship” at hindi pagtupad sa ten-year residency requirement. Hindi siya saklaw ng palugit sa Disyembre 10, dahil nakasaad sa Comelec Resolution No 9984 na hindi maaaring magpalit ng kandidato ang isang independent. Tiyak nang sa Korte Suprema ang punta ng kanyang kaso at maaari itong madesisyunan ilang araw makalipas ang deadline bukas.
Ang ikalawang mahalagang petsa sa kalendaryo ng Comelec ay Enero 15, 2016. Sisimulan nang iimprenta ng Comelec ang mga opisyal na balota sa araw na ito. Alinsunod sa Automated Election Law, kailangan lang punan ng botante ng tinta ang kahon na katapat ng pangalan ng napiling kandidato; hindi na kakailanganing isulat ang pangalan. Kaya ang listahan ng lahat ng kandidato ay dapat na makumpleto ng Enero 15 para sa pag-iimprenta ng mga balota.
Umaasa naman ang mga tagasuporta ni Senator Poe na hindi mailalabas ang pinal na desisyon sa kanyang kaso bago sumapit ang Enero 15—na nangangahulugang maisasama pa ang kanyang pangalan sa balota. Kahit pa tuluyan na siyang madiskuwalipika ng Korte Suprema, makakukuha pa rin siya ng mga boto—at “Vox populi, vox Dei (Ang tinig ng mamamayan ay ang tinig ng Diyos). O tuluyang pag-asam na lang ito ng mga tagasuporta ni Poe—laban sa mga eksperto sa batas na maninindigang kahit gaano pa karami ang makukuhang boto ay hindi nito maaamyendahan ang Konstitusyon.
Tunay na kakaiba ang eleksiyong ito, hindi lamang dahil sa makukulay na personalidad na bibida sa botohan, kundi dahil sa mga sangkot na usaping legal at constitutional. Maraming trabaho ang Comelec; kailangan pa nitong harapin ang temporary restraining order (TRO) na ibinaba ng Korte Suprema laban sa polisiya nitong “No Bio, No Boto”.
Gayunman, kumpiyansa kaming magagawa ng Comelec, sa bagong pamumuno ni Chairman Andres Bautista, na harapin ang lahat ng problema at mga usaping ito nang buong giting, at magiging matagumpay ang ating halalan sa Mayo 9, 2016, gaya ng itinakda, sa pagpili natin ng bagong pangulo at iba pang pambansa at lokal na opisyal ng Pilipinas.