Diretsahang inihayag ni Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na si Sen. Miriam Defensor Santiago ang kanyang pambato sa pagkapangulo sa 2016 elections.

Ito ang inihayag ni Marcos sa gitna ng mga espekulasyon na susuportahan niya ang kandidatura ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte dahil sa epektibo nitong pagdidisiplina sa mamamayan at pagpapatupad ng batas.

Bukod kay Duterte, marami rin ang naniniwalang susuportahan ni Marcos si Vice President Jejomar Binay, ang standard bearer ng United Nationalist Alliance (UNA).

Kamakailan, sinabi ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na tatakbo siya sa pagkapangulo kapag nadiskuwalipika sina Sen. Grace Poe at Binay, at kukunin niya si Marcos bilang running mate.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sa kanyang pagharap sa Kapihan sa Manila Hotel media forum, inihayag ni Marcos: “Senator Miriam is my president.”

Bagamat wala silang pormal na koalisyon, iginiit ng anak ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos na nagkakasundo sila ni Santiago sa maraming usapin sa pamamahala sa bansa.

Aminado naman si Marcos na pinuntirya niya noon ang suporta ng kanyang kaibigang si Duterte, subalit nag-iba ang sitwasyon nang magdeklara ang alkalde ng kanyang kandidatura sa pagkapangulo.

Bagamat una ring kinonsidera ni Duterte si Marcos bilang running mate, kalaunan ay pinili ng alkalde si Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano bilang vice presidential candidate niya. (Mario Casayuran)