LEGAZPI CITY - Sapat ang yamang pangturismo ng Albay, ayon kay Department of Tourism (DoT) Secretary Ramon Jimenez.

Nagsalita ang kalihim sa katatapos na New Frontiers Forum, ang komperensiya ng travel and tourism executives, na idinaos dito noong Nobyembre 25-27, 2015.

Nagtulungan ang pamahalaang panglalawigan at DoT para maging matagumpay ang pagdaraos ng nabanggit na forum ng Pacific Asia Travel Association (PATA), na ginanap sa Oriental Hotel.

Dumalo sa forum ang 561 travel representative mula sa Australia, Bangladesh, Canada, Fiji, Guam, Hong Kong, India, Indonesia, Japan, Macau, Malaysia, Nepal, New Zealand, Singapore, South Africa, Sri Lanka, Switzerland, Thailand at United Kingdom.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kinatigan ni PATA CEO Mario Hardy ang paglalarawan ni Jimenez sa Albay, at idinagdag na mahalaga ang papel ng Albay sa pagsusulong sa mga “new frontier travel destinations” sa mundo, lalo na ang malikhaing estratehiya at programa ng probinsiya sa sa climate change adaptation.

Ayon kay Hardy, pinatunayan ng Albay ang “leading role in global travel” nang masungkit ng lalawigan ang Top Destination Award PATA CEO Challenge 2015.

Kasabay nito, hinimok ni Hardy ang patuloy na pagsusulong ng probinsiya ng “sustainable ecotourism industry” at dagdagan ang mga imprastruktura, gaya ng modernong paliparan, para sa mabisang “destinations connectivity”.