Nasa balag ng alanganin ngayon ang anim na prison guard sa medium security compound ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City matapos ang pagsalakay ng mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Explosives Ordnance Division (EOD) ng Philippine Army sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City kahapon bilang bahagi ng Oplan Galugad.

Inihayag ni BuCor Director Retired Lt. General Ricardo Rainier Cruz III, sasailalim sa masusing imbestigasyon at pagpapaliwanagin ang anim na prison guard na pansamantalang hindi binanggit ang mga pangalan at nakatalaga sa Building 1, 2 sa Camp Sampaguita ng medium security compound, Security Patrol Unit-Inmate Custodial Aide, Reception and Diagnostic Center at sa Prison Inmate Labor Contract Officer (PILCO) Shop.

Kaugnay ito sa mas maraming kontrabando gaya ng mga cellphone, improvised deadly weapon, hinihinalang droga, pornographic material, signal booster, baraha, panabong ng manok at sachet ng marijuana na nasamsam sa tatlong opisina ng prison personnel kumpara mga nakuha sa mga selda ng mga preso sa naturang compound.

Pinagdudahan ni Cruz ang hindi agad pag-turn over ng kontrabando kung posibleng nakumpiska ito sa nakalipas na sorpresang inspeksiyon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Iginiit ng opisyal na ililipat o tatanggalin sa puwesto ang mga prison guard kapag napatunayang nakikipagsabwatan ang mga ito sa ilang preso sa pagpupuslit ng kontrabando sa loob ng NBP.

Unang nakatanggap ng impormasyon si Cruz na ilang preso ang gumagamit sa mga naturang pasilidad o tanggapan upang doon itago ang kanilang mga kontrabando. (Bella Gamotea)