Sa kabuuan ng season ending conference ay dalawang beses lamang naglaro para sa PLDT Home Ultera si Alyssa Valdez ngunit sa kabila nito, nagawa niyang tulungan ang Ultra Fast Hitters na makamit ang ikalawang titulo sa Shakey’s V-League.
Pinamunuan ni Valdez ang Ultra Fast Hitters sa pagwawalis ng finals series nila ng Philippine Army sa pamamagitan ng 25-21, 25-22, 22-25, 25-21, panalo sa Game Two noong nakaraang Linggo para ganap na maangkin ang titulo ng Shakey’s V-League Season 12 Reinforced Conference sa San Juan Arena.
Nasa roster ng PLDT si Valdez sa pagsisimula pa lamang ng conference, ngunit hindi ito pinaglaro dahil sa may iniindang injury.
Pagdating ng finals, nagdesisyon itong maglaro at pinamunuan ang Ultra Fast Hitters sa kanyang itinalang 25-puntos tungo sa came from behind 5-setter win noong Game One.
Ito’y sa kabila ng pasabi sa kanya ng Ateneo na magpahinga matapos maglaro sa nakaraang UAAP beach volleyball tournament upang maging handa sa nalalapit na UAAP indoor volleyball tournament kung saan sila ang defending champion.
Ang tagumpay ang ikatlong sunod naman para sa kanilang headcoach na si Roger Gorayeb, ang natatanging mentor na nakakumpleto ng grandslam sa liga matapos gabayan ang PLDT Home ULtera sa season opener na Open Conference, kasunod sa paggabay sa National University (NU) sa mid-season Collegiate Conference.
“As long as we become the champion [the Grand Slam] is just a bonus,” ani Gorayeb . “I didn’t even know that was a Grand Slam. I’m just thankful that I won three this year.”
Kahit ang kanyang di-sinasadyang pagkabundol ng tuhod sa ulo ng kakamping si Sue Roces ay hindi nakapagpatigil kay Valdez para pangunahan ang Ultra Fast Hitters sa Game Three.
Tabla ang iskor sa 13-all sa third set nang mangyari ang insidente sa tangkang dig sana ni Valdez.
At kahit iika-ika, nagbalik ito sa fourth set upang tapusin ang laban na may 22-puntos katulong ang import na si Sareea Freeman namay 17-puntos.
Sa kabilang dako, nanguna para sa Army at nakaranas ng pagkabigo sa dalawang sunod na araw si Aby Mariano na nagposte ng 14- puntos. (MARIVIC AWITAN)